Pinoys inalarma ng DFA sa bagong scam sa UK

INABISUHAN ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Filipino sa bansa na may kaanak sa United Kingdom tungkol sa bagong pakulo ng ilang indibidwal o grupo para lamang makapanghuthot ng pera.

Sa abisong ipinadala ng embahada ng Pilipinas sa London, sinabi ng mga embassy official na may tumatawag sa mga kaanak ng mga Pinoy sa Maynila na naaksidente o kaya naman ay naaresto ang kanilang kamag-anak sa Inglatera.

“Nagpapanggap umano na opisyal ng embahada ang mga manloloko, kasabay nang kahilingan sa mga kamag-anak na magpadala ng pera upang matulungan ng embahada ang nasasangkot na kaanak at maiuwi ito sa Pilipinas,” pagsasalarawan ni DFA Assistant Secretary ar spokesperson Raul Hernandez sa modus operandi ng grupo.

Ipinaalam din ni Hernandez sa publiko na libre at bahagi ng paglilingkod sa mamamayan ang tulong na ibinibigay ng kagawaran sa mga nagigigpit na overseas Filipino worker (OFW) at migranteng Pilipino sa ibang bansa.

Aniya, nakikipag-ugnayan ang kagawaran sa mga kaanak ng mga may problemang kababayan sa ibang bansa at ito ay ginagawa sa punong tanggapan ng DFA.

Sakaling kagyat ang pangangailangan, ang embahada ang direktang nakikipag-ugnayan sa pamilya upang alamin ang mga kinakailangang dokumento at humingi ng pahintulot sa kaanak at hindi para manghingi ng pera.

Inabisuhan din ng kagawaran ang mga Pinoy na nasa ibang bansa na iwasan ibigay ang pangalan, telephone number at iba pang contact details ng kanilang kaanak sa Pilipinas sa mga hindi kakilala o sa mga hindi lehitimong bangko at remittance company.

Pinaalalahanan din ng DFA ang mga Pinoy na balewalain o kaya naman ay agad na burahin ang mga natatanggap na electronic mail (email) mula sa mga hindi kakilalang tao na humihingi ng detalye ng kanilang kaanak o kaya naman ay nagsasabing nanalo sila sa loterya o raffle.

Ipinayo pa ni Hernandez sa mga Pinoy na agad makipag-ugnayan sa pinakamalapit na embahada at konsulado sakaling makatanggap ng mga kahina-hinalang tawag mula umano sa DFA upang makumpirma, o  ipaalam sa kanilang kaanak sa Pinas upang makontak ang DFA office of intelligence and security sa telepono 831-8921 at sa email address na ois@dfa.gov.ph

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply