Pinoy’s creativity within

MALIKHAING isipan, puhunan sa tagumpay na tinatamasa ng isang Pinoy sa bansang Indonesia!

Sa bansang Indonesia ay aking nakilala ang isang kababayan natin, na nakayang pasukin ang mundo sa likod ng telebisyon. Sa kanyang angking galing, talento, dedikasyon at imahinasyon ay napagtagumpayan niya ang mga hamon ng pagiging utak sa likod ng mga umeereng commercial at AVP’ sa isang malaking TV station sa nasabing bansa.

Bagama’t laging ‘behind the scene’ ika nga ang kanyang trabaho, masasabing kayang makipagsabayan at ihanay ang husay ni Gerry Guzman, marketing and creative services adviser ng SCTV sa Indonesia, sa talento ng mga Pinoy na kinikilala at nagtagumpay sa ibang bansa gaya na lang ni Charice Pempengco, na tanyag sa kanyang galing sa pag-awit at napabilang sa cast ng programang Glee sa Amerika.

Nasa Pilipinas pa lang si Gerry ay nasa linya na siya ng buhay sa likod ng telebisyon. Isa siyang empleyado ng Mega Scope Graphics, isang kompanya na gumagawa ng audio-visual presentations para sa malalaking kompanya sa Maynila, nang magdesisyon siyang harapin ang hamon ng pangingibang bayan.

Ayon sa kanya, ilang mga kaibigan at kakilala ang naging daan para magtungo siya sa Indonesia.

Sa kabila ng makabagong teknolohiya at kagamitan na ginagamit sa paggawa ng TV commercials at AVP at ng bagong kapaligiran sa Indonesia ay hindi iyon naging hadlang upang maipakita ang kanyang husay sa linya at karerang iyon.

Mula sa isang maliit na production company ay lumipat si Gerry sa isang malaking TV station doon, makalipas ang dalawang taon.

Nabuksan ang oportunidad na iyon nang maging kliyente niya ang nasabing istasyon at hikayatin siya ng director for marketing na lumipat at sumama sa kanyang team.

Ayon sa kanya, may mga kasamahan din siyang Filipino sa TV station na iyon subalit nasa production department at siya lang ang Pinoy na nabigyan ng pagkakataon na mapabilang sa creative department ng marketing, kung saan isa siya sa namamahala at

kasangkot sa mga proyektong nangangailangan ng malikhaing imahinasyon. Mula sa konsepto o story board, shooting, magpahanggang sa editing o post production ay pinamamahalaan ni Gerry.

Dahil sa kanyang malikhaing imahinasyon at talento na ipinamalas ay nabibigyan pa siya ng mga benepisyo na mas higit na linangin ang kanyang kakayahan sapagkat ipinadadala siya ng kanilang kompanya sa ibang bansa  para matutunan at mapag-aralan ang mga bagong konsepto at makabagong teknolohiya na ginagamit sa produksyon ng mga commercial at AVP.

Ayon kay Gerry ay napakaligaya at fulfilled siya sa kanyang tinatamasang tagumpay at wala na siyang hinahangad pa kundi ang maibahagi ang kanyang kaalaman at kakayahan sa ating mga kababayan.

Sa tagumpay na ito ni Gerry sa Indonesia ay napatunayan at naipakita na hindi lamang sa harap ng camera kayang magtagumpay ng mga Pinoy, kaya rin nating pasukin maging ang mundo sa likod ng telebisyon kung saan higit na pagsubok at hamon ang kinakaharap upang maging tanyag at makilala ang isang tao.

Isang patunay ang istoryang ito ng tagumpay- sa talento at kakayahan na ipinagkaloob ng Maykapal sa ating lahi.

*******

Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan over-seas, tumutok lang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa IBC13 tuwing Huwebes, 11:30 ng gabi.

Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply