PNoy dismayado sa Bureau of Immigration

DISMAYADO si Pangulong Benigno Aquino III sa ilang opisyal ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa lantarang pagbali sa kanyang ipinatutupad na ‘tuwid na daan.’

Ito ay makaraang tumanggap ang Punong Ehekutibo ng ‘confidential report’ na naglalaman ng mga detalye na ‘pinagkakitaan’ ng mga opisyal ng kawanihan ang pagtakas ng isang Korean national na may kasong swindling sa South Korea.

Habang sinusulat ang balitang ito, hindi naman makunan ng pahayag ang kawanihan dahil hindi sumasagot si Atty. Maria Antonette Bucasas-Mangrobang, ang opisyal na tagapagsalita.

Sa nakalap na impormasyon, si Pangulong Aquino ang nag-utos kay Justice Secretary Leila de Lima na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa pagtakas ni Korean fugitive Kim Tae Dong sa Saint Luke’s Hospital noong Disyembre 24, 2011.

Ayon sa impormasyon, personal na iniabot ni BI Executive Director Eric Dimaculangan kay Pangulong Aquino ang nasabing report na naglalaman ng mga detalye hinggil sa bali-balita sa loob at labas ng kawanihan na may ilan matataas na opisyal ng tanggapan ang ‘kumita’ umano sa ginawang pagpuga ni Kim sa kamay ng dalawang immigration jailguards noong Bisperas ng Pasko.

Si Dimaculangan, kasama sina Immigration Commissioner Ricardo David Jr. at Associate Commissioners Abdullah Mangotara at Siegfred Mison ay pawang ‘appointed’ ni Pangulong Aquiino sa kawanihan.

Batay sa impormasyon, umaabot sa tumataginting na P50 milyon ang pinakawalan ni Kim upang maging matagumpay ang tinaguriang ‘The Great Escape’ sa kasaysayan ng kawanihan.

Kabilang sa mga nakinabang sa pinakawalang pondo ni Kim ay mga mataas na opisyal ng kawanihan, kasama na ang tatlong senior immigration officials.

Isa sa mga senior immigration official ay ‘inap-grade’ o pinalitan sa halagang P11M ang naunang biniling Bavarian Motor Works AG o mas kilala sa tawag na BMW.

Ang paglapit ni Dimaculangan kay Pangulong Aquino ay nagresulta din sa pagbubuo ni De Lima ng isang DOJ special panel na inatasang bumusisi sa lahat ng anggulo hinggil sa pagtakas ni Kim.

Pinamumunuan ito ni Quezon City Prosecutor Donald Lee, kasama sina Prosecutors Rommel Baligod, Charlerne Tapic at Jose Yap ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon pa sa mga mapagkakatiwalaang impormante sa loob at labas ng kawanihan, hindi matanggap ni Pangulong Aquino na mismong ang mga opisyal ang mangunguna sa pagsuway sa kanyang kautusan na supilin ang katiwalian sa loob ng kawanihan.

Sinabi pa ng mga impormante na nagpupuyos sa galit si Pangulong Aquino nang basahin ang ulat, kaya agad nitong inatasan si De Lima na magbuo ng investigating panel.

Inatasan din ni Pangulong Aquino si Dimaculangan na maging mapagmatyag at ipaalam sa kanya ang lahat ng transaksyon na magaganap sa loob ng immigration.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply