PNP blangko pa rin sa pamamaslang sa 3 sekyu

AMINADO ang mga tauhan ng Las Piñas Police na kumplikado at maselan ang mga hawak nilang impormasyon hinggil sa pamamaslang ng hindi pa nakikilalang grupo ng kalalakihan sa tatlong bodyguard ni Albert “Bobby” Aguirre na may-ari ng Banco Filipino, nitong Sabado ng gabi.

Ito rin ang dahilan ng pag-iingat nila na makapagbigay ng detalye sa publiko lalo na sa mga miyembro ng media.

Ayon kay Chief Supt. Benito Estipona, director ng Southern Police District Office (SPDO), kumplikado ang mga hawak nilang impormasyon lalo pa at naging biktima ng kidnapping noon si Aguirre habang marami rin ang humahabol sa kanya dahil sa pagsasara ng Banco Filipino.

Hanggang kaninang hapon ay nahirapan ang mga mamamahayag na makakuha ng anumang karagdagang impormasyon para sa isinasagawang follow-up investigation sa pagkakapatay sa tatlong bodyguards ni Aguirre na sina David Manguera, PO3 Luisito Macatunao at SPO2 Melvin Padaca.

Sina Macatunao at Padaca ay kapwa miyembro ng Police Security and Protection Group (PSPG) ng Philippine National Police (PNP) habang si Manguera naman ay security guard.

Bagaman may maseselang impormasyong hinahawakan ang pulisya, nagbigay sila ng ilang impormasyon hinggil sa kabuuan ng naganap na krimen.

Sa ngayon ay hawak ng Las Piñas Police ang may-ari ng motorsiklong naging get-away vehicle ng mga salarin upang makunan ng pahayag ng imbestigador.

Sa pinakahuling ulat ng pulisya, napag-alaman na tinatayang nasa sampung armadong lalaki ang pumasok sa bahay ni Aguirrre sa BF Homes dakong alas-11:30 noong Sabado ng gabi.

Nabatid pa sa ulat ni S/Supt. Romulo Sapitula, hepe ng Las Pinas Police, na pinahintulutan ni Manguera ang mga salarin na makapasok sa bakuran ng mga Aguirre sa BF Homes International sa kahabaan ng Tropical Avenue.

Mabilis na nagsibaba sa ilang sasakyan ang mga suspek at kaagad na nilapitan si Padaca bago binaril sa ulo.

Ang iba naman nilang kasama ay mabilis na nagtungo sa security barracks at binaril din sa ulo si Macatunao.

Nasa ikalawang palapag ng bahay sa kanyang silid si Aguirre nang maganap ang insidente kaya wala siyang nasaksihan sa pangyayari.

Batay sa nasaksihan ng personal driver ni Aguirre na si Fernando Aribon, may bumusina sa labas ng bahay bago binuksan ni Manguera ang gate ng compound kaya nakapasok ang mga suspek sakay ng Rusi Motorcycle (3962WL), isang taxi at dalawang Sedan.

Batay naman sa nakuhang video footage mula sa CCTV ng mga kapitbahay ng mga Aguirre, may dalang maiikling baril ang mga suspek na pawang nakasuot ng sibilyan.

Kinumpirma ng pulisya na hindi pagnanakaw ang motibo sa krimen dahil walang tinangay na mamahaling gamit ang mga suspek maliban sa baril ni Padaca.  Iniwan din nila ang motorsiklo sa pinangyarihan ng insidente.

Sa kabilang banda, tinitingnan din ng pulisya na hindi si Aguirre ang motibo sa pamamaril ng mga suspek dahil nang mapatay ng mga suspek ang tatlong biktima ay kaagad na nilang nilisan ang lugar.

Ayon kay Estipona, kumikilos ang kanyang mga tauhan upang makilala ang mga salarin at matukoy ang motibo sa pamamaslang.

Nakahanay naman upang isailalim sa interbyu ang ilang kaanak ni Aguirre pati na ang mga kasambahay upang mahingan ng karagdagang impormasyon sa naganap na insidente.

Ang Banco Filipino na pag-aari ni Aguirre ay ipinasara ng Banco Sentral ng Pilipinas (BSP) makaraang umabot sa P8-bilyon ang pagkakautang nito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply