Pork holiday hindi dapat balewalain ni PNoy

NAGBABALA si AGHAM Party-list Rep. Angelo Palmones sa gobyerno na hindi nito dapat balewalain ang bantang isang linggong pork holiday ng mga hog raiser sa bansa.

Pinayuhan ni Palmones ang administrasyong Aquino na huwag dedmahin ang banta at sa halip ay seryosohin dahil malalim aniya ang ugat ng pagbabanta ng mga magbababoy.

Paliwanag ng kongresista na hindi porke’t isang linggo lamang ang ikinakasang pork holiday ng mga hog raiser ay babalewalain na ito ng pamahalaan.

Sa ngayon ay dapat aniyang pag-aralan ng pamahalaan ang patuloy na inirereklamo ng hog raisers na ang industriya ng karne ay unti-unti ng pinapatay ng sobrang importasyon at smuggling.

Sinisisi ng mga hog raiser ang hindi maawat na smuggling ng karne sa bansa na isang uri umano ng katiwalian.

Maging ang United Broilers Raisers Association ay nagpahayag na makikiisa na din sila sa protesta ng hog raisers dahil biktima din sila ng smuggling at sobrang importasyon ng manok.

Dahil dito, hinikayat ni Palmones si Pangulong Benigno Aquino na agad solusyunan ang mga problemang ito na pumapatay sa livestock industry ng bansa sa gitna ng suliranin sa food insecurity o kakulangan sa suplay ng pagkain sa buong mundo.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply