Pyramid scam sa Lanao del Sur

ISANG bagong modus ang  kinahuhumalingan ngayon ng mga taga-Lanao del Sur na diumano ay higit sa 50% ang kita sa kabuuang halaga ng ipagtitiwala o ilalagak sa tinaguriang “Koko scheme.”

Kabilang diumano sa mga kliyente ng nasabing scheme ay mga kilalang politiko at negosyante sa nasabing lalawigan.  Ngunit gaya ng dati, mas maraming bilang ng mga posibleng maging biktima ay mga ordinaryong kawani, gaya ng mga PNP personnel na nag-loan pa para mailagak ito sa nasabing scheme.

Ayon sa isang impormante, kapag ang isang residente ay naglagak ng isang milyon, sa loob ng dalawang buwan ay tutubo ito ng kalahating milyon.

Sa mga gustong sumali na kotse ang ilalagak nila, anim na buwan ang kanilang hihintayin bago tumubo ng 50%.

Itinuturong utak diumano ng nasabing modus ang isang nagngangalang Koko na konektado sa ilang maimpluwensyang pamilya sa Lanao del Sur.

Sa panayam ng inyong lingkod sa taga-Department of Trade and Industry, imposible na kumita ng 50% ang anomang klaseng lehitimong negosyo sa loob ng maikling panahon gaya ng Koko scheme sa Lanao del Sur.

Bago pa man maging sakit ito ng ulo ng mga kinauukulan, lalo na ang PNP-CIDG at NBI,  nararapat bigyan pansin ito para dagliang masawata kung ito nga ay isang “pyramid scam!”
-000-

HIGIT ang kasiyahang nadarama ng mga taga-ARMM matapos ang isandaang araw sa panunungkulan ni OIC Regional Governor Mujiv S. Hataman dahil sa mga ipinakitang gilas nito na baguhin ang imahe ng rehiyon at maging katuwang ng lahat na isulong ang mga reporma alinsunod  sa utos ni PNoy.

Bilang patunay, pinasinayaan nito ang e-portal para makita at masiguro na totoo ang hangarin nito na ipatupad ang transparent at accountable governance sa lahat ng sangay ng ahensya sa loob ng ARMM.

Layunin nito na maipamalas sa publiko na ang lahat ng proyekto ay bukas para masubaybayan at matanto na walang sikretong transaksyon hinggil sa pagpapatupad ng serbisyong-publiko.

Ang dating pamamayagpag ng mga loan shark sa mga kawani ng ARMM ay nalimitahan pagkatapos na direktang makuha ng mga ito ang kanilang sweldo sa pamamagitan ng direktang pagpapasahod sa kanila ng kani-kanilang departamento.

Sa nakaraang Regional Peace and Order Council, binigyang diin ni Gov. Hataman ang pagpapatupad ng total gun ban policy sa loob ng ARMM compound.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply