Reporma sa halalan (1)

MALAPIT na ang halalan 2013. Kapansin pansin na ang lantarang paramdam ng mga nais tumakbo sa darating na eleksyon. Kapansin-pansin din na mas maraming proyekto at gawaing public service ang mga nakaupo lalo na ang mga magrere-elect. Bilang isang dating konsehal ay wala naman akong nakikitang masama rito hanggang sa naaayon pa rin sa batas at gabay ng prinsipyo ng delikadesa ang mga maagang pagpapakita ng intensyong pulitikal.

Abala na rin ang COMELEC sa paghahanda sa eleksyon. Inaasahan natin na magiging “malinis, mapayapa at katanggap tanggap” ang halalan. At ang COMELEC ang may kapangyarihan na mapatupad ang ganitong halalan. Maaalala natin na noong 2010 ay nagkaroon tayo ng “automated counting” ng balota.

Mabilis ang naging resulta dahil automated ang bilangan. Hindi tulad ng dati na mano-mano ang botohan at pinagpupuyatan ng maraming araw ang bilangan at canvassing of votes bago malaman kung sino ang nanalo. Bagama’t marami pa rin ang reklamo sa “automated counting” na ginawa ng PCOS machines, napabilis at napaaga ang resuta ng eleksyon.

Pero hindi pa rin magiging ganap na mapayapa ang eleksyon kapag “automated” ang bilangan.

Ipagpalagay natin na naging patas at walang naganap na mañubra, na hinala ng iba sa mga counting machine, hindi naman nabura nito ang mga botong nakuha sa pamama-gitan ng “vote-buying”,  lanzadera, pananakot at iba pang paraan” na sumira sa sagradong pamamaraan ng pagpili ng lider sa

ilalim ng isang demokrasya. Ibig sabihin, sa automated counting, pinabilis lamang ang bilangan ngunit hindi nito binura ang bulok na pamamaraan ng pulitika.

Salamat na lamang at may mga kawani ng media na nakabantay sa buong proseso ng halalan. Sa kampanya pa lamang ay nakatutok ang mga ito upang ibulgar sa publiko ang mga maling gawain ng mga

pulitiko. Dito ay makatutulong tayo sa pagkilatis sa mga tumatakbo at pagsuri sa pamamaraan ng kanilang pamumulitika. Kung gamit nila ay ang kapangyarihan ng pera asahan mo na babawiin nila ang kanilang puhunan kapag naupo sa puwesto.

Kapag pananakot naman ang ginamit, asahan mong lalong magiging malupit sila sa puwesto.

Sa puntong ito nahihirapan ang mga botante lalo na ang mga may matinding pangangailangan sa buhay.

Katwiran nga nila ay sino man ang maupo ay wala rin silang magiging pakinabang kaya mabuti na makauna at pagsamantalahan ang politikong mapera.

Ang motto nila “kunin ang pera at iboto ang iba.”

Kaya lamang, mas madalas na kung sino ang nagbayad sa kanila yun na rin ang iboboto nila dahil may mga paraan na rin ang mga pulitiko na makasiguro na ang mga bayad na boto ay makukuha nila.

Nakalulungkot ngunit ganito na ang nagiging “trend” ng pulitika sa atin. Kahit na sino pa ang mamuno sa COMELEC kapag hindi nabago ang pamamaraan ng pamumulitika at ang “attitude” ng mga botante sa halalan ay magiging sobrang magastos ang eleksyon at tanging ang mga may pera na lamang ang makakalahok sa halalan. At magiging mahirap para sa kasalukuyang administrasyon at sa mga darating pa na matigil ang korupsyon sa pamahalaan dahil sa kailangan bawiin ang ginastos sa eleksyon at hindi lang pagbawi kung hindi pati na rin ang pag ipon o pag handa ng pondo para sa

susunod na eleksyon. Wala na ang daang matuwid na inaasahan ng lahat.

Mahirap na mabuwag sa ating pulitika ang “guns, goons and gold.” Ngunit gaano man kahirap ay kailangan natin burahin ang ganitong pulitika.

Kung hindi ito mababago darating ang araw na maghahanap ng alternatibong pamamaraan ng pagbabago sa pamahalaan ang mga taong tuluyan ng mawawalan ng tiwala at pag-asa sa eleksyon.

Kapag nangyari ito ay wala nang eleksyon at lahat tayo ay talo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply