Reporma sa halalan (2)

SA bawat eleksyon, pinakamahalaga ang papel na ginagampanan ng COMELEC. Hindi lang pangangasiwa ng halalan ang kanilang pinagkakaabalahan kundi, higit sa lahat, ang sagradong balota ng bawat botante sa isang mapayapa, malinis at katanggap-tanggap na halalan.

Tungo rito mahalaga ang kredibilidad ng COMELEC upang paniwalaan ng tao ang resulta ng halalan. Nakalulungkot isipin na maraming pagkakataon na pinaghihinalaan ang COMELEC na may kinalaman sa mga dayaan sa halalan.

Pinakamatindi ang kinasangkutan ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at pinakamataas na mga kawani ng COMELEC. Ang “Hello Garci” tapes ay naging malaking issue na hindi nakalimutan ng taumbayan hanggang sa halalan ng 2010. Ngayon ay nahaharap sa mga kasong election sabotage ang dating Pangulo, chairman ng COMELEC at iba pang tao na diumano ay sangkot sa malawakang dayaan noong 2004 at 2007
elections.

Isang malaking hamon para sa kasalukuyang COMELEC na maibalik ang kredibilidad ng COMELEC. Kapag may duda ang taumbayan sa COMELEC, apek-tado nito ang persepsyon ng tao sa resulta ng halalan.

Sa darating na halalang 2013, nawa’y manumbalik ang tiwala ng tao sa COMELEC. Nawa’y maging matagumpay ang mga re-pormang kinakailangang gawin ng COMELEC upang mapangalagaan ang kredibilidad nito.

Kaugnay nito, nawa’y matigil na rin ang paglalako ng ilang tao ng “panalo” sa mga politiko dahil sa kanilang “koneksyon” sa COMELEC. Hindi lang minsan kundi maraming beses na natin narinig ang katagang “BAHALA NA ANG COMELEC” sa atin o kaya “DAGDAG-BAWAS SA BILANGAN” sa mga politikong ayaw ng patas na laban.

Sa totoo lang, kaya namang manalo kahit hindi mandaya ngunit dahil sa duda sa isa’t isa, kinakailangan ng mga kandidato na pumatol sa mga ganitong alok upang “siguruhin” ang panalo.

Mahirap nga namang madaya pa ng kabila. Kaya tinatapatan ng daya ang pandaraya ng kalaban. Nakalulungkot pero maraming nangyayaring ganito lalo na sa lebel ng lokal
na halalan.

Ang ganitong sitwasyon ang nagdudulot ng dungis sa halalan. Pakiramdam tuloy ng natalong kandidato na nadaya siya o kaya naman mas mahusay ang pandaraya ng kalaban.

Sana’y magawan ng paraan ng COMELEC at mapigilan ang ganitong paggamit sa kanila para lang kumita ang iba. Mungkahi na magkaroon ng “HOTLINE complaint” ang COMELEC para maireport ang ganitong kalakaran.

At sana’y maaksyunan ito at kung may mahuling salarin ay ibilad para di gayahin at patulan ng politiko.

Kailangan din na maging istrikto ang COMELEC sa pagpapatupad ng batas ng eleksyon.

Katulad na lamang ng pagkakaroon ng isang “COMMON POSTING AREA” at “SIZE” ng mga election posters. Hindi ito sinusunod at mistulang ang buong Pilipinas ay “common posting area” ng mga kandidato. Bagamat bawal ang maglagay ng poster sa mga hindi identified “common posting area”, ginagawa ito ng mga campaigners ng kandidato dahil nga hindi naman napapatupad ng husay ng COMELEC.

Marami pang reporma ang pwedeng pairalin ng kasalukuyang COMELEC upang magkaroon ng “clean, honest and credible” elections ngunit kailangan natin tulungan ang COMELEC mapatupad ito. Ang mga “bawal na gawain” sa panahon ng halalan ay dapat sundin ang batas sa lahat ng oras at hindi lamang kapag may huhuli o sisista sa atin na bawal kapag napatupad natin ang mga “election laws”, hindi lang magiging malinis at mapayapa ang eleksyon. Hindi na rin magiging sobrang magastos ito para sa karaniwang kandidato.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply