Reporma sa halalan (3)

ITULOY po natin ang mga pagtalakay sa mga mungkahi na makatutulong upang magkaroon ng reporma sa halalan.

Sa karanasan ko bilang konsehal ng Lungsod Quezon, naramdaman ko rin ang paglaki ng gastusin ng isang kandidato sa pagtakbo. Dati kung ang gastos ay di gaanong kalakihan, ngayon ay lumobo na sa milyon-milyon para lamang makatakbo at walang kasiguraduhan na mananalo. Mas mataas na posisyon, mas malaki ang gastos.

Maraming hindi lang tuwing “campaign period” nag-uumpisa ang gastos. May tinatawag na “pre-election” expenses. Ito ay gastos upang magpakilala ka o magpahayag ng intensyong tumakbo. May mga advertisement na pagbibigay tulong pinansyal sa mga nangangailangan.

Pagkuha ng mga tao na tutulong sa kampanya at marami pang iba. Malimit punahin ng media ang maagang pangangampanya ngunit ang kaso hangga’t hindi pormal na nagpa-file ng certificate of candidacy ang isang tao, hindi pa siya maituturing na kandidato kaya’t kahit bulgar na sa lahat ang kanyang nais na tumakbo ay hindi siya makakasuhan ng “pre-mature campaigning”.

At ipagpalagay na siya ay nakapag-file na ng certificate of candidacy, maraming maaaring palusot na hindi naman siya nangangampanya kapag lumalabas siya.

Tulad ng mga nakaupo at magre-reelection, ang mga proyekto nila at pagtulong katulad ng free medical services, free training at iba pa ay bahagi ng kanilang serbisyong publiko bilang public official.

Ang mga hindi naman nakaupo ay may mga paraan din para makasabay sa mga incumbent. Katulad ng pagtatag ng mga foundation o association na siya namang ginagamit upang makapag-”kampanya” nang hindi tahasang nagbabanggit na iboto sila.

May paraan ba para matigil ang “pre-election spending?”

Sa palagay ko ay mahihirapan. Dahil sa karapatan din naman ng mga nais kumandidato na magpakilala, “free speech” ika nga. Ngunit may magagawa na reporma ang COMELEC.

Mungkahi na mas agahan ang filing of candidacy. Ginawa na ito noon at alam kong maaga pa rin ang filing of candidacy.

Higpitan ng COMELEC ang pagpapatupad ng batas laban sa “premature campaigning.” Bilisan nila ang pagdinig at pagdedesisyon sa mga kaso ng “premature campaigning”.

Makakatulong din ang mga kandidato na huwag muna mangangampanya hangga’t wala pa ang “campaign period”. Ngunit mahirap marahil ito na gawin ng pulitiko kung nakikita nila na ang kalaban ay kumikilos na! Ayaw naman kasuhan ng premature campaign nang dahil nga sa bagal ng desisyon sa mga ganitong kaso. Marahil ay pwede amendahan ang election code na kapag may kaso na naisapma laban sa isang kandidato ng paglabag ng election code, ito ay maaring pumigil sa kanyang proklmasyon kung sakali na siya ay mananalo.

Hangga’t hindi natatapos ang kaso ay hindi siya maproproklama. Kung may ganitong probisyon ang batas, marahil ay magiging patas ang labanan dahil hindi gagawa ng labag sa election code ang mga kandidato.

Sa “election spending” naman ay may limit na itinatalaga ang batas sa maaari lang gastusin ng isang kandidato base sa dami ng botante. Pero sa totoo lang, malayo sa deklarasyon sa statement of election spending ang contributions ang tunay na gastos ng kandidato. Sa tingin ko ay hindi na nga base sa realidad ang ganitong patakaran.

Mungkahi ko ay magset na ng limit ang COMELEC base na rin sa posisyong tinatakbo. Halimba sa isang mayoralty candidate,iset hindi hihigit sa P50,000,000.00. O paano naman kung maliit na bayan, sobra naman ang ganitong halaga. Hindi naman po dahil ang limit lang ang nakaset ay hindi hihigit sa 50 million. Pwede isang milyon lang ang gastusin. Ang mahalaga ay maiiwasan ang hindi pagdeklara ng tamang election spending ang kandidato.

Isa rin mahalagang reporma ay mangagaling na rin sa mga kandidato at botante. Dapat ang legitimate election expenses lang ang paggastusan. Iwasan na ang “vote buying”. Sa mga botante naman, huwag na natin pag-interesan ang pera ng pulitiko. Ang P1,000 o P2,000 na bayad sa ating boto ay TATLONG TAONG nakawan sa pwesto. Tignan mo kung ano ang status ng buhay ng bumili ng boto mo at ng status ng buhay mo. Siya guminhawa at yumaman. Tayo marahil ay walang pagbabago. Mahirap itong mungkahi na ito ngunit sana ay matupad alang-alang sa kabukasan ng lahat.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply