Resulta sa imbestigasyon sa pagpuga ng Korean nat’l ilalabas na

ILALABAS na ng tanggapan ni Justice Secretary Leila de Lima sa Biyernes ang resulta ng isinagawang imbestigasyon ng DOJ special panel hinggil sa pagtakas ng isang Korean national sa kamay ng Bureau of Immigration (BI).

Sa ekslusibong panayam kay DOJ special panel head at Quezon City Chief Prosecutor Donald Lee, sinabi nito na tinapos na nila ang imbestigasyon noong Martes makaraang humarap sa 4-kataong lupon ang tatlong Korean nationals na kaibigan ni Korean fugitive Kim Tae Dong.

Ayon pa kay Lee, sumentro ang huling pagdinig sa testimonya ng mga Koreano hinggil sa kanilang relasyon kay Kim bago tumakas sa Saint Luke’s hospital noong Disyembre 24, 2011.

Ayon sa taga-usig, ipadadala niya kay Secretary de Lima ang resulta ng imbestigasyon, kasama na ang kanilang rekomendasyon sa mga kasong isasampa laban sa mga opisyal at tauhan ng Immigration na nagpabaya sa pagpuga ng Koreanong may kasong swindling sa korte sa Seoul, South Korea.

Tiniyak din nito na magiging malawak at kumprehensibo ang laman ng kanilang ulat kay de lima, kasama na ang usapin hinggil sa pamumudmod ng P50M ni Kim sa ilang tauhan ng kawanihan upang maisakatuparan ang pagtakas sa kamay ng batas.

Sakaling mapatunayan na nagpabaya sa tungkulin ang mga hindi pa kinilalang mga opisyal ng kawanihan, sasampahan ang mga ito ng paglabag sa probisyon ng revised penal code at kasong administratibo.

Kabilang sa humarap sa lupon ay sina Immigration Commissioner Ricardo David Jr., Associate Commissioners Siegfred Mison at Abdullah Mangotara, Intelligence Division Chief Maria Antonette Bucasas-Mangrobang, Law and Investigation Division Chief Arvin Santos, Legal officer Archimedes Aldaba, ang mga nakatalaga sa immigration departure area sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at ang mga guwardiya sa BI detention facility sa Bicutan, Taguig City.

Inimbitahan din ng lupon ang mga espesyalistang doktor ng ospital, gayundin ang resident doctor ng Immigration upang tanungin sa tunay na karamdaman ng dayuhan.

Inamin din ni Lee na naging limitado ang lumabas sa report ni Mison hinggil sa ginawang imbestigasyon ng kawanihan sa nasabing usapin.

Si Mison ang inatasan ni David na magsagawa ng imbestigasyon, makaraang pumutok sa media ang pagtakas ni Kim habang abala ang mga opisyal ng kawanihan sa pagdiriwang ng Kapaskuhan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply