Road repair ng DPWH palpak

KALIWA at kanan ang ginagawang repair ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga sira at dapat nang kumpunuhin na kalsada, partikular ang main thoroughfares sa Metro Manila.

Kung bakit ngayong panahon ng bakasypn ng eskuwela lang ginagawa ang construction works, ang rason ng DPWH ay para maiwasan daw ang malaking problema sa trapiko na maaari nitong idulot.

Tama naman dahil kung hindi sa summer break kinumpuni ang mga kalsada, baka matunaw si Sec. Roger Singson at Pangulong Noynoy Aquino sa mga ibabatong mura ng mga galit na motorista.

Okey ang pagtataon na ito ng DPWH sa bakasyon ng mga estudyante para maiwasan ang pagsisikip ng mga daanan, pero ang ‘di ayos ay ang pawardi-warding repair sa mga ginagawang kalsada.

Kumbaga, matibag lang at masemento ang kalsadang nire-repair ng kinontratang construction firms ay okey na kahit na ang kalsada ay may problema dahil binabaha kapag umuulan ng malakas.

Isang halimbawa ng ni-repair ng DPWH na ‘di madaanan kapag malakas ang ulan o kaya’y kapag bumagyo dahil bumabaha ay ang Lascano at Letre sa boundary ng Caloocan at Malabon. Sa ngayon ay halos 100 percent na ang natatapos sa pagkukumpuni sa nasabing kalsada.

Sinemento ang kalsada pero ‘di naman tinambakan para maitaass upang sa ganon ay ‘di na ito bahain.

Pagsapit ng tag-ulan at tag-bagyo, siguradong ‘di ito madaraanan ng mga motorista dahil ito’y isang lugar sa CAMANAVA area na napakataas ang tubig baha dahil napakababa ang lugar.

Pakiwari natin, eh, ginastusan ito ng milyon-milyong halaga ng pamahalaan at sayang dahil ‘di ito madaraanan dahil nga binabaha.

Ang Lascano-Letre road ay isa lamang sa pinare-repair ng ahensyng pinamunuan ni Sec. Singson na ‘di muna plinano bago kumpunuhin.

Para  maging kapaki-pakinabang ang nasabing kalsada, kailangan uling basagin ang bagong semento, pagkatapos ay tambakan muna para tumaas bago sementuhin muli para tumaas at malibre sa baha.

Pero, sa tingin natin, ‘di na mangyayaring sirain muli ito dahil sa laki ng halaga na ginastos para sa palpak na repair.

Ginawa nga ang Lascano at Letre Road pero palpak naman. Nasayang lang ang pera ni Mang Juan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply