Sa ngalan ng ama

ISANG taon mula ngayon ay idaraos na ang 2013 mid-term national elections sa bansa.

Kaya hindi nakapagtataka kung bakit ngayon pa lang ay nagsisimula nang magbuo ng koalisyon ang iba’t ibang political party.

At pag may koalisyon natural na may partidong mabubuo at mga kandidatong tatakbo.

At isa sa mga nauna na ngang mabuo ay ang United Nationalist Alliance (UNA) na resulta nang pagsasanib puwersa ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ni Vice President Jojo Binay at Partido ng Masang Pilipino (PMP) ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada.

Matatandaan na noong 2010 national elections ay nagsama na sina Erap at Jojo kaya hindi na nakapagtataka na mabuo ang grupo nilang ito.

Sa totoo lang ang tawag pansin talaga sa bagong partidong ito ay ang pinalulutang nilang posibleng senatorial line-up.

Base sa sources natin sa loob ng partido na siya na rin namang lumabas na sa mga balita, ang tiket ng UNA ay bubuin nina San Juan Rep. Jose Victor Ejercito, Cagayan Congressman Jackie Enrile at Joey de Venecia.

Nandiyan din ang mga kilalang kaalyado ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na sina dating Sen. Migs Zubiri, Zambales Rep. Mitos Magsaysay at ang mortal na kaaway ni Migs na si Sen. Koko Pimentel.

Kasama rin sina dating senador Ernesto Maceda at mga re-electionist na sina Senador Gregorio Honasan, Francis Escudero, Loren Legarda at Alan Peter Cayetano.

Maugong din na kasama sa line-up sina dating Senador Jamby Madrigal at ang panganay na anak ni VP Binay na si Rep. Nancy.

Napansin niyo na ba kung ano ang kakaiba sa tiket na ito? Karamihan sa kanila ay pawang mga anak ng mga dati at kilala nang mga politiko.

Mukhang gaya nang magulang nila ay pawang gusto nilang ipagpatuloy ang “paglilingkod sa bayan”. Tsk!tsk! Ayos ba, Pareng Jess?

Maliban sa mga beterano nang sina Ka Ernie, Jamby, Loren at Gringo maliwanag na puro mga second generation politician na ang mga natitirang pangalan sa nasabing tiket.

Lahat sila ay mga anak ng ki-lalang mga politiko sa bansa kaya hindi nakapagtataka na sa mga naunang survey ay lumalabas na mataas ang tsansa nilang mahalal sa Senado.

Ang tanong na lang ay kaya ba nilang ipagpatuloy ang mga magandang ginawa ng kanilang mga magulang sakaling mahalal sila?

Siyanga pala naalala ko lang, sina dating Pangulong GMA at kasalukuyang Pang. Noynoy Aquino III ay parehong anak ng mga dating pangulo rin ng  bansa.

Huwag na tayong magtaka kung ang susunod na magiging presidente natin sa 2016 ay si Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos.

Kaya naman pala ganito ang istorya nang bansa natin. Umiikot lang. He-he!!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply