Serbisyo, ‘di sakripisyo

PANAHON na naman ng Semana Santa kaya’t marami sa mga nasa lungsod ang magsisiuwi sa kani-kanilang mga lalawigan hindi lang upang magbakasyon at makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay kundi upang gunitain at isapuso ang totoong kahulugan ng okasyon.

May mga magsisiuwi na may sariling mga sasakyan subalit mas marami ang mga sasakay sa mga pampublikong sasakyan hindi dahil nagtitipid sila kundi ito lang ang kaya ng kanilang bulsa.

Sa mga ganitong pagkakataon, kailangang magserbisyo ang mga tauhan ng pamahalaan tulad ng Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) partikular ang local police at High Patrol Group (HPG).

Dahil marami ang magsisiuwi, kailangan din ang maraming mga rehistradong sasakyan ang bibiyahe sa mga lalawigan at posibleng kulangin ang mga ito. Dito papasok ang mga kolorum na naghahangad ding kumita at makapagserbisyo sa mga taong nangangailangan ng kanilang serbisyo.

Magkaroon sana ng inspection team ang mga kagawaran ng pamahalaan na titingin sa klase ng serbisyong ibibigay hin-di lang ng mga kompanya ng pampasaherong bus, barko at eroplano kundi maging ng iba pang alternatibong sasakyan tulad ng vans.

Kailangang hindi lang ligtas ang mga pasahero sa kanilang pagbiyahe kundi kailangang maging komportable rin sila dahil husto ang bayad nila kaya’t kailangang maayos ang serbisyo sa kanila.

Marami kasi sa mga sasakyang gamit ay walang aircon o mahina ang aircon at sisisihin pa ang mainit na panahon. Kailangan ay de-kalibreng serbisyo ang ibigay sa mga pasahero upang maging sulit naman ang kanilang pamasahe at hindi lalabas na sakrispyo sa kanilang parte.

May mga driver at konduktor pa ng mga sasakyang magmamalaki na kapag nagrereklamo ang pasahero ay sasabihang bumaba na lang pero ayaw namang ibalik ang pasahe.
Nagmamalaki dahil marami at nag-aagawan ang mga pasahero pero kapag ordinaryong araw ay halos magmakaawa na sumakay sa kanilang sasakyan dahil kakalog-kalog ang laman ng kanilang sasakyan sa pagbiyahe.

Ito ang panahon upang magpakitang gilas ang LTO, LTFRB at HPG at ipakita sa mga mamamayan na pinagkukunan ng pamahalaan ng kanilang suweldo na may pakinabang sila at hindi lang nagpapalaki ng tiyan sa kanilang tanggapan.

Hulihin at kasuhan ang mga mang-iisa sa mga pasahero at di magbibigay ng magandang serbisyo. Hindi na kailangan ng mga mamamayan na magsakripisyo. Sa sobrang mahal ng bilihin at pasahe, para na rin silang ipinako sa krus tapos makakasakay pa sa mga sasakyang bukod sa bulok-bulok na ay napakainit pa, grabe, parang binuhusan pa ng suka ang kanilang sugat.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply