Sign language

ISANG balitang nakababagabag ng damdamin ang ilang may masasamang loob sa mga kababaihang may kapansanan.

Napanood ko ito sa isang news item na dumarami ang mga mararahas at malalaswang krimen laban sa mga bulag, pipi at binging kababaihan.

Dahil sa kapansanan ay walang kalaban-laban ang mga ito sa mga masasamang loob at hindi kaagad makasisigaw at ma-kahihingi ng saklolo.

Marami rin dito ang hindi na rin nagsasampa ng reklamo o kung magsasampa man ay hindi umuusad dahil sa hirap nilang maunawaan ng mga alagad ng batas dahil sa ang mga otoridad ay hindi alam mag-“sign language” kaya’t ang biktima ay nawawalan ng pag-asa at kusa na lamang iuurong ang demanda o kaya ay hindi na talaga magdedemanda laban sa mga salarin.

Bilang isang abogado ay nakalulungkot ang ganitong sitwasyon dahil di man makapagsalita ang mga biktima ay sumisigaw ang kanilang damdamin para mabigyan sila ng hustisya.

Marahil ay nakarating ang problemang ito sa butihing Vice Mayor ng Lungsod Quezon na si kagalang–galang Joy Belmonte, ang anak ni Speaker Sonny Belmonte. Palibhasa’y isang maawaing tao si Vice Mayor Joy kaya’t naisip niya ang isang proyekto na sana’y tularan ng ibang lokal na pamahalaan o di kaya ng National Government sa pamamagitan ng mga ahensyang may ugnayan sa hustisya.

Ang proyektong inilunsad kamakailan ni Vice Mayor Joy ay ang magturo at magsanay ng mga taga pulisiya, social welfare, public schools, health department at maging sa kanyang tanggapan ng “Sign Language” sa mga piling kawani.

Ang mga nagsanay sa “sign language” ang siyang puwedeng “kausapin” ng mga may kapansanan sa pagsasalita at pandinig upang sila ay maunawaan at mapagsilbihan ng pamahalaan ng lungsod Quezon.

Kakaiba ang ganitong mga proyekto. Ipinakikita ni Vice Mayor Joy na prayoridad niya ang mga taong may kapansanan at may puwang sila sa puso ng butihing bise-alkalde.

Kaya’t kung pipi man o bingi ang isang nangangailangan ng serbisyo ng pamahalaang Lungsod. Hindi na sila mahihirapan na makipag-communicate sa mga kawani ng pamahalaan dahil meron na silang puwedeng lapitan at sila’y mauunawaan sa kanilang mga daing at kahilingan.

May kasabihan na THOSE WHO HAVE LESS IN LIFE SHOULD HAVE MORE IN LAW AND GOVERNMENT.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply