Sobra sa trabaho gipit sa suweldo

KAMAKAILAN lang ay nagsagawa ng survey ang Pulse Asia ukol sa alin ang mas dapat unahin ng gobyerno—ang kapakanan ng mamamayan o pamumulitika?

Lumabas sa survey na mas mahalaga sa mga Filipino na gampanan ng pamahalaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang kapakanan ng mamamayan tulad ng pagpapababa ng presyo ng mga bilihin at pagkakaroon ng trabaho dahil batid naman na kapag naayos ang mga ito ay kasunod na ang kapayapaan, katahimikan, kaayusan at pag-unlad. Kapag nagkaganito, tiyak na rin ang pag-unlad ng mga kabuhayan ng bawat isa.

Totoong hindi kaya ni PNoy na gawing mag-isa ang hinihinging himala ng mga tao, subalit magandang ipakita ng kanyang administrasyon na kumikilos ito upang bigyan ng maayos na pamahalaan at pamumuhay ang kanyang mga boss. Kailangang malagyan muna ng laman ang tiyan ng taumbayan upang makapag-isip nang maayos.

Halimbawa na sa mga dapat unahin ng pamahalaang Aquino ang trabaho at suweldo ni Juan dela Cruz. Kailangang kumilos ang Department of Labor and Employment (DOLE) upang maipatupad ang tamang suweldo ng mamamayang Filipino na ang dugo at pawis ang dahilan ng tagumpay ng anomang negosyo.

Kaya nga binigyang pansin ng Pakurot text message ng isang empleyado na tumatanggap ng sahod na wala pa sa minimum bukod pa sa labis-labis na oras sa trabaho.

Sa reklamo, iginigiit ng empleyado na sobra-sobrang oras ang ginugugol nila sa Nanette’s Pancit Malabon na pag-aari ng Fantastic Seven Inc. Pumapasok sila sa branch nito sa Quezon City ng alas-9 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi subalit ang sahod nila ay P250 lang sa isang araw.

Lumalabas talaga na wala sa minimum na sahod ang kita ng mga obrero. Inirereklamo rin ang pagkaltas sa kanilang kakarampot na sahod kapag sila ay nale-late ng pasok habang hindi naman sila binibigyan ng overtime pay kapag labis-labis ang oras na kanilang ginugugol sa nasabing negosyo.

Wala rin umanong natatanggap mula sa Nanette’s Pancit Malabon na benepisyo tulad ng SSS, Pag-ibig at Philhealth ang mga kawawang obrero na nagbibigay ng kita sa negosyo. Maging ang kanilang uniporme na tatlong t-shirt at dalawang apron ay pinababayaran ng P800 na malaking bawas din sa napakaliit na kita ng mga ito.

Hindi rin sila binibigyan ng payslip ng nasabing negosyo at sa halip ay pinapipirma sila sa cash voucher. Wala nga namang ebidensiya na empleyado sila ng kumpanya.

Kaya nga hiling ng mga empleyadong nadedehado ng kumpanyang ito na sana ay kumilos naman ang DOLE upang magsagawa ng imbestigasyon upang mabigyang solusyon ang kanilang kaawa-awang sitwasyon.

Malaki rin ang takot ng mga empleyado na pag-initan sila ng pamunuan ng nasabing establisimyento kaya naman kahit nais nilang personal na magtungo sa DOLE ay hindi nila magawa dahil baka sa halip na madagdagan ang kanilang suweldo ay masama pa sila sa mga taong walang trabaho. Kaya naman kahit inaabuso sila ay tinitiis na lang
nila. Ngunit hanggang kailan?

Sana’y kumilos ang DOLE upang mabigyang inspirasyon ang mga mamamayan na hindi naman pala natutulog ang mga kinauukulan. Kapag ganito, babalik ang tiwala ni Juan dela Cruz sa pamahalaan at ito na mismo ang kikilos upang maisaayos ang pamayanan na talaga namang inabuso ng ilang tiwaling opisyal at kawani ng pamahalaan.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply