South Korea mamumuhunan sa Pilipinas

IBINALITA ni Vice President Jejomar Binay na interesado ang mga kompanya sa South Korean na magtayo ng negosyo sa Pilipinas sa larangan ng pabahay, enerhiya, konstruksyon, edukasyon at pagbabarko.

Sa kanyang pakikipagpulong sa mga opisyal ng Gangwon Group of Companies, Hanjin Heavy Industries Corporation at Saekyung Industry Co, Ltd., nagpahayag ang mga opisyal na nakahanda silang maglagak ng puhunan sa Pilipinas dahil sa mahusay na patakaran ng pamahalaang Aquino sa mga dayuhang negosyante.

Ayon pa kay Binay, gagamitin ng mga nasabing kumpanya ang ‘green technology’ partikular na sa paggawa ng mga pabahay para sa mga manggagawa.

Naniniwala rin si Binay na nasa radar ng pamumuhunan ng mga nangungunang kumpanya sa Seoul ang Maynila dahil alam ng mga negosyante na maganda ang kinabukasan ng dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas.

“Makakatulong din ang foreign investment sa pagbibigay ng mas maraming trabaho at technology transfer,” dagdag pa ng Bise Presidente.

Batay sa ibinigay na plano ng mga negosyanteng Koreano, nais ng Gangwon na magtayo ng housing unit para sa mga sundalo sa bakanteng lupa sa loob mga kampo military, habang isang socialized housing project naman ang itatayo ng Hanjing para sa mga manggagawa nito sa Castillejos, Zambales.

Proyektong pabahay naman sa Metro Manila at Cebu ang balak itayo ng Saekyung, kung saan gagamit ang kumpanya ng ‘green technology’ tulad ng solar panel at water filtration system upang makatipid ang mga residente sa kuryente at tubig.

Pinasalamatan naman ni Binay ang mga opisyal ng mga nasabing kumpanya sa kanilang interes na mabawasan ang pangangailangan sa pabahay ng pamahalaan at bigyan ng disenteng tahanan ang mga ordinaryong mamamayan.

Sa ngayon ay umaabot sa 3.6 milyon pabahay ang kailangang maitayo ng pamahalaan sa loob ng dalawang taon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply