Sunugin ang mga korap at magtulong-tulong lahat

KAPAG walang tigil ang mga pagwang-wang ng mga bumbero na dumaraan sa kung saan ako naroroon, hindi ko talaga maiwasan ang kabahan.

Palibhasa, muntik na tayong nasunugan ng tahanan, mga Bro.

Isa pa, paano ang mga namamatayang pamilya dahil sa sunog?

Paano ang mga daan-daang pamilya na nawawalan ng tahanan at nabubuhay na lang sa limos makaraan?

Pagkatapos ay kung saan-saan na lang sila sina-sardinas ng pamahalaan.

Pati pag-aaral ng mga bata, apektado.

Ang pag-aalaga sa mga may sakit ganundin.

May mga lumalala nga ang sakit gaya ng sa puso at pagtaas ng presyon dahil sa sunog.

At ang paghahanapbuhay nayayari rin.

Ganyan kabigat, mga Bro, ang kalagayan ng mga nasusunugan.

Kaawa-awa talaga ang kanilang kalagayan.

MGA BUMBERO SAAN PUPUNTA?

Saan pupunta ang mga bumbero?

Ito ang una kong tanong sa aking sarili kung naghahabulan ang mga bumbero sa pagpunta sa mga nasusunugan.

Kung hindi gagawi ang mga bumbero sa mga lugar na kinaroroonan ng ating mga tahanan at opisina, medyo gumagaan ang ating loob.

Siyempre pa, kung pupunta naman ang mga ito sa mga lugar na nilalagarian natin, tawag agad tayo at nag-uusisa sa mga kinauukulan.

Mahirap naman kasing isipin na mabulaga na lang tayo sa balitang natodas na pala ang mga mahal natin sa buhay o mga kaibigan o kakilala o kabarilan o kabarkada.

You name it you have it at nakakakaba naman talaga.

PAREHAS SA IBA

Pero hindi nangangahulugan na wala tayong pakialam sa iba.

Sa katunayan, kahit pinakahuling sentimos sa ating bulsa ay ating binibitiwan sa mga nasusunugang lumalapit sa atin para humingi ng tulong.

Sadya lang talaga na problema nating malaki ang mga sunog na yan.

Sapagkat apektado tayong lahat, magkakakilala man tayo o hindi.

GRABENG INIT

Dumating na nga uli ang panahon na dapat mag-ingat tayong lahat sa sunog.

Sobra talaga ang init.

Dahil sa init, umaandar lahat ng mga aircon at benti-lador. Araw at gabi yan.

Nagiging tuyong-tuyo naman ang lahat ng mga bagay mula sa lupa hanggang sa mga tahanan at gusali.

Nag-iinit pati ang mga sasakyan.

Ibig sabihin niyan, posibleng pagmulan lahat ng ito ng sunog.

Ano-ano na ang mga ginagawa natin para hindi umusok at magliyab ang mga bentilador, aircon, dahon, kahoy na bahay at mga sasakyan?

‘Yan at iba pa ang mga dapat na pag-isipan at aksyunan nating lahat.

Alalahanin natin na kung may sunog, nadadamay ang lahat.

Pati pagbiyahe natin nadadamay rin.

Tingnan ninyo, nagkaka-trapik-trapik ang mga sasak-yan dahil sa sunog.

At nagkakahetot-hetot maging ang mga LRT at MRT kung may sunog na nagaganap sa riles ng mga ito.

BUMILI NG SAPAT NA FIRETRUCK

Talaga namang walang laban ang balde sa sunog.

Mga bumbero ang kaila-ngan sa malalaking sunog.

Nasaan ang mga bumbero at bakit malala na ang sunog bago dumating ang mga ito sa lugar?

Gusto man natin o hindi, yang ganyang sitwasyon ay bunga ng sinasabi ng Bureau of Fire Protection na labis na kakulangan ng firetruck.

Kung ito talaga ang isang malaking problema, dapat na umaksyon kaagad ang pamahalaan.

Dapat na magbuhos ang gobyerno ng pondo para rito alang-alang sa mamamayan.

Pero pati na ring sarili nito dahil pati ang mga gusali,  opisina at ari-arian nito ay hindi rin libre sa sunog.

May isang fire station na ngang nasunog mismo.

SUNUGIN ANG MGA KORAP

Alam nating malalaking halaga ang kailangan sa pagbili ng mga firetruck.

Dahil dito, alam din nating may mga gumagalaw na kamay upang kumita sa mga transaksyon dito.

Maalaala ninyo ang kontrobersya sa pagbili ng imported at lokal na firetruck, mga Bro?

Puno ng korapsyon diyan.

May gusto sa mga opisyal ng gobyerno na imported ang firetruck kahit napakamamahal ang mga ito at kung masisira ay impor-ted din ang mga piyesa.

Yung iba, gusto ang mga lokal.

Saan mo man silipin, may gustong kumita ng milyon-milyong komisyon diyan.

Anak ng tokwa, dapat makilala ang mga animal na korap na ito para maihagis sila sa mga lumiliyab na lugar.

HINDI ANG MAMAMAYAN

Hindi ang mamamayan at ang serbisyo publiko ang laman ng utak ng mga korap na ito kundi ang kanilang bulsa.

Kung paano lolobo ang kanilang mga bulsa sa dami ng pera na makukurakot nila sa kontrata sa bilihan ng mga firetruck ang kanilang iniisip.

Para silang mga pasaway na bumbero na kahit payat sa pagpasok sa gusali ay tabatsoy na ito paglabas ng nasusunog na lugar.

Nangyayari ito sa mga nasusunog na palengke, grocery at iba pang mga lugar na may pupuwedeng kulimbatin habang may nagaganap na sunog.

Anong panama ng mga salisi sa sunog sa mga korap na ito?

Pagkatapos ay idedeklara nilang walang arson sa sunog para kung makasingil ang nasunugan ng insurance at kikita naman sila.

Hindi lang sa firetruck sila kumikita kundi mismo sa mga sunog.

oOo

Anomang reklamo o puna ay itawag o i-text sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply