Supt. Christopher Tambungan, basahin mo ito!

MAGALING na hepe ng pulis itong si Olongapo City Police Director na si Supt. Christopher Tambungan.

Mahal na mahal siya ng kanyang mga nasasakupan. Kaya idinedemanda siya ng mga ito dahil umano sa kalokohan nito.

PNP Chief Nicanor Bartolome, heto ang mga nagpapatunay na mahaaaaal na mahaaaaal ng mga tao si Tambungan.

REKLAMO VS TAMBUNGAN

Unti-unti nang nagkaroon ng lakas ng loob ang ilang residente na maghahayag ng kanilang mga reklamo laban kay Supt. Christopher Tambungan.

Kabilang sa mga nagreklamo ang isang mediaman, isang negosyante at ilang opisyal ng barangay mismo sa Olongapo City.

HARASSMENT VS MEDIAMAN

Nauna nang sinampahan ng reklamo sa piskalya ng naturang siyudad si Col. Tambungan ng isang tabloid reporter na si Randy Datu dahilan sa umano’y pangha-harass na naganap noong Abril 3, 2012 habang nagko-cover ang mamamahayag sa nagaganap na hostage-taking incident.

Pinagbubulyawan umano ni kernel at itinulak ang reporter habang nagkokober ito.

REKLAMO SA CAMP CRAME

Kahapon ay personal na nagtungo naman sa Kampo Crame ang tatlong residente ng nasabing siyudad upang ipagharap ng reklamo si Tambungan sa PNP Complaint Unit.

Ang mga ito ay sina Carolyn Miranda, isang negosyante at ang mga kagawad ng barangay na sina Genaro Fermales, Jr. at Wilfredo Avila na ang mga kinasangkutan ay pawang pagmomotorsiklo nang walang helmet.

MATAPANG SI TAMBUNGAN

Lahad ni Miranda, noong Disyembre 17 ng nakaraang taon habang siya at ang kanyang 17-anyos na anak na si Jonh Junie ay nasa harap ng kanilang tindahan sa Half Moon Beach, Barangay Kalaklan nang pumarada ang Innova van na kulay puti.

Dito umano bumaba si Tambungan, kasama ang isa pang pulis na naka-sibilyan, at pilit hinihila sa sasakyan ang kanyang anak.

Sinabihan pa umano ang nakatatandang Miranda na huwag makialam habang hawak ang baril sa bewang at ang dahilan daw kung bakit hinuhuli ang bata ay wala itong helmet nang magmotorsiklo.

“MAGNANAKAW” ANG KAMBYO

Subalit nang malaman umano ni Tambungan na menor-de-edad ang hinuhuli ay bigla na lamang itong tumalikod.

At sinabi sa huli ni Tambungan ang babae na “akala ko magnanakaw” at binitawan na ang binatilyo.

Kung hindi pumalag ang mag-ina, PNP Chief Nicanor Bartolome, sir, ano kaya ang nangyari?

Kung umasta kasi ang mga pulis na sina Tambungan sa kasong ito, parang kaiba ang ating pakiramdam.

SUMBONG NI KAGAWAD

Sa sumbong naman ni Fermales na isang kagawad ng Barangay Mabayuan, Olongapo City, Pebrero 5, taong kasalukuyan nang habulin umano niya ang isang naka-motorsiklo rin na naka-hit and run sa isang bata.

Umabot umano siya sa paghabol sa Magsaysay Drive kung saan siya ay naharang sa isang check point at dinala sa kalapit na istasyon ng pulisya kung saan naroroon si Col. Tambungan.

BINGI SA PALIWANAG

Nagpaliwanag umano ang opisyal nang barangay kung bakit siya walang suot na helmet.

Subalit tuloy pa rin siyang pinigil at tinikitan habang nakatakas nang tuluyan ang kanyang hinahabol na suspek.

GINAWANG KRIMINAL

Ang matindi pa umano nito ay nang kanyang mabalitaan at makita na may litrato siya sa isang tarpaulin, kasama ang mga umano’y “kriminal”, na naka-display sa gusali ng Camp Cabal na himpilan ng pulisya rito.

PNP Chief Nicanor Bartolome, sir, anong utak meron itong si Tambungan at itinuturing niyang kriminal ang mga hindi niya nakasusundo na ibang mga opisyal ng pamahalaan?

Hindi ba may problema ito?

MAPANLAIT SI TAMBUNGAN

Si Avila na kagawad naman ng Barangay Barretto ay na-checkpoint habang nakamotorsiklo noong gabi ng Disyembre 31, 2011.

Nang magkaroon umano ng isang turn-over ceremony sa police station sa kanilang lugar ay nagsalita at nilait umano siya ni Tambungan.

Hayagan nitong sinabi sa  kanya ang mga katagang “Itong si Kagawad Avila ang halimbawa ng Filipinong matigas ang ulo.”

KRIMINAL DIN SA TARPAULIN

At tulad ni Fermales, nakasama din umano ang kanyang larawan sa nakapaskil na tarpaulin sa Camp Cabal.

HUMAN RIGHTS VIOLATOR

Kapwa reklamo ng dalawang kagawad na nalabag ang kanilang karapatang pantao dahilan sa anila’y pagpapaskil ni Col. Tambungan ng kanilang mga larawan kasama ng mga itinuturing na kriminal.

Siyempre, nagreklamo ang dalawang kagawad dahil hindi man lang dumaan ang mga ito sa mga pag-uusig para sila ideklarang mga kriminal.

DELIKADO SI TAMBUNGAN

Sa pinaggagagawang ito ni Tambungan, kung totoo ang lahat ng sumbong ng mga nagreklamo, medyo kinakabahan tayo, mga Bro.

Doon sa bata, paano kung hindi napigil ng magulang ang pang-aaresto nina Tambungan na nakasibilyan lamang at gumamit din ng sibilyan na sasakyan? Walang sinoman ang makapag-isip nang maganda rito.

Eh ang conviction without due process ni Tambungan sa mga kagawad, ano yun?

oOo

Anomang reklamo o puna ay itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply