‘SV’ tickets ng LRT, 2 linggong mawawala

HUMINGI ng paumanhin ang tagapagsalita ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa kanilang daan-libong mananakay dahil mahigit sa dalawang linggong mawawala ang suplay ng kanilang “stored value tickets (SV)” na gamit ng mga regular nilang pasahero upang makatipid.

Ipinaliwanag ni LRTA information officer Evelyn Paragas na nasira ang makina nila na nagpo-prodyus ng SV tickets ngunit kanilang ginagawan na ng paraan para maibalik sa madaling panahon.

Hinihintay na lamang aniya nila ang piyesa ng naturang makina na ini-import pa nila buhat sa Paris, France na inaasahan nila na darating na ngayong linggo at makaka-prodyus na ng SV tickets sa susunod na linggo.

Inamin ni Paragas na dagsa na ang reklamo na kanilang natatanggap sa kanilang mga pasahero dahil sa kawalan ng SV tickets.

Ilan sa reklamo ang pag-akusa na tinanggal ang SV tickets dahil sa discount na ibinibigay nito sa mga pasahero na mapipilitan na bumili ng regular na single-journey ticket at kabastusan umano ng mga teller at iba pang staff ng LRTA na hindi man lang ipaliwanag nang maayos sa mga pasahero ang kawalan ng suplay ng SV tickets.

Sinabi ni Paragas na nagsagawa na sila ng pagpupulong ukol sa isyu at wala silang intensyon na putulin ang pagbibigay ng SV tickets na nagbibigay ng malaking diskuwento sa mga regular na sumasakay sa naturang train system.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply