Tensyon sa demolisyon sa Parañaque: 1 patay, 14 sugatan

ISA na ang patay habang 14 ang sugatan makaraang sumiklab ang kaguluhan sa pagitan ng pulisya at daan-daang mga nagprotestang residente sa isinasagawang demolisyon sa Silverio Compound sa Barangay San Antonio, Parañaque City.

Hinihinala na isang malaking tipak ng bato ang tumama sa ulo ng namatay na hindi pa batid ang pagkakakilanlan na siyang ikinabasag ng bungo nito habang inaalam pa ng pulisya kung saang grupo nagmula ang bato.

Ayon sa Red Cross, limang sugatan ang isinugod na sa ospital habang siyam naman ang binigyan kaagad ng paunang lunas.

Kinukumpirma rin sa kasalukuyan ang balitang may isang barangay kagawad na ang nabaril sa naturang kaguluhan.

Base naman sa pahayag mismo ni Sr/Supt.  Bill Beltran, hepe ng Parañaque Police, lumayo na sila sa mga residente nang dumating ang sheriff ng Parañaque Regional Trial Court (RTC) ngunit nawalan ng kontrol ang mga ito nang sugurin ang kanilang hanay ng mga naturang residente dahilan para mambato sila ng tear gas.

Nambato ang mga residente ng mga plastic na naglalaman ng suka at sili maging ng dumi ng tao at malalaking tipak ng bato.

Basag ang salamin ng mga sasakyan ng awtoridad sa lugar at nadamay pati ang mga mamamahayag na nasiraan naman ng gamit habang nagko-cover.

Una nang napabalitang bandang alas-6:00 ng umaga nang magsimulang magbarikada ang mga residente bilang paghahanda sa demolisyon ngayong araw.

Bagama’t una nang ipinaliwanag nina Mayor Florencio “Jun” Bernabe Jr. at Parañaque Regional Trial Court (RTC) Branch 195 Sheriff Alejandro Abrematea na walang gagalawing bahay sa demolisyon, tutol pa rin ang mga residente na magiba ang mga commercial establishment dahil ito anila ang kanilang kabuhayan.

Sa kabila nito, wala na ring nagawa ang mga residente sa pag-arangkada ng demolisyon na sinimulan sa paggiba ng mga estante sa talipapa ng compound.

Nakaantabay pa rin ang mga pulis sa lugar para tiyaking magiging maayos na ang demolisyon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply