Trabaho lamang walang personalan

PIKON na siguro si Pangulong Benigno Aquino III sa mga mamamahayag kung kaya’t hindi na niya napigilan na banatan at sabihang umiiral pa rin ang “crab mentality” o utak talangka sa media.

Ano nga ba ang ibig sabihin ni PNoy sa salitang “talangka mentality?” Ibig bang sabihin kapos sa pag-iisip o sa halip na pasulong ay paurong ang kanilang gawi?

Baka naman nasulsulan lang ang Pangulo na banatan ang mga mamamahayag sa halip na ayusin ang kanyang pakikisama at pakikitungo sa mga ito. Naisip kaya ni PNoy na isa ang media sa nagpapaganda ng kanyang imahe sa mga mamamayan?

Kung lahat ng gawain ni Noynoy Aquino ay inihahatid ng mga mamamahayag sa kaalaman ng nakararami, tiyak na matagal nang nag-alsa ang mamamayan at baka hindi na siya umabot pa sa ikatlong taon ng kanyang unang termino.

Tumutupad naman ang mga mamamahayag sa kanilang trabaho at ginagawa ang kanilang responsibilidad na ihatid ng tama ang balita. Posibleng ang pagkakamali lang ay ang pinagkunan ng source ng balita. Pero hindi naman lalabas ang apoy kung walang usok. Sa madaling salita, walang lalabas na balita kung walang pinagmulan.

Ang ibig sabihin, posibleng, nasa mga kasama ni PNoy ang pinagmumulan ng balita. Halimbawa’y ang kanyang mga escort o bodyguard na mula sa Presidential Security Group (PSG) na kapag may ginawa siyang aktibidad ay naikukuwento sa iba pa nilang mga kasamahan o kaya naman ay kaibigan at kamag-anak.

Kung hinahanap niya ay patas na turing sa balita, dapat ay madalas niyang harapin ang mga mamamahayag at hindi iyong may tinitingnan at tinititigan.

Kailangang ituring niya na pantay-pantay ang mga mamamahayag at hindi iyong mayroon siyang hindi papapasukin sa Malacañang Press Office dahil sa mga negatibong balita na ipinalalabas nito.

Inungkat ni Aquino na naigapos ang pamamahayag noong ideklara ang batas militar at naging malaya lang nang maupo ang kanyang ina sa tulong ng 1986 Edsa revolution. Sa aking paningin, napananatili ng mga mamamahayag ang integridad at kredibilidad sa pagbibigay ng ulat. Tila mali lang ay ang nakikitang pagbanat ng media at hindi ang pagkampi sa kanya sa kanyang laban kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona.

Anong masama kung ibalita ng media na nakikipag-date siya? Normal na tao siya kaya may mga pa-ngangailangang personal din na-man siyang dapat na harapin. Negatibo lang naman ang tingin niya sa balita kaya iba ang kanyang pagkakaintindi.

Hindi ba niya puwedeng sagutin nang maayos ang mga banat sa kanyang ganito sa halip na sasagutin niya ng paninira din sa media?

May grupo naman ng mga mamamahayag sa sirkulo ng Pangulo kaya’t hindi ba puwedeng tanungin niya ang mga ito kung ano ang ma-gandang atake o lapit sa mamamahayag na pumupuntirya sa kanya.

Ang mga taong ito ang puwedeng gumawa ng paraan upang maintindihan ni PNoy na trabaho lang naman ang ginagawa ng media na pamemersonal sa kanya. Pangit naman na puro papuri ang ibibigay sa kanya tulad ng mga tao niya sa Palasyo gayung marami nang mali sa mga nagawa niya.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply