Trike driver solo winner sa P36M lotto jackpot

MAG-ISANG napanalunan ng 41-anyos na tricycle operator ang mahigit P36 milyon na jackpot prize ng 6/45 Megalotto na binola noong Marso 30 sa tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Pasay City.

Ayon kay PCSO General Manager Jose Ferdinand Rojas II, inakala nila na dalawa ang nanalo sa kabuuang premyong P36,441,844.20 na nakahagip sa kombinasyong 07-21-13-06-04-40 subalit lumabas na dalawang beses na tinayaan ng mapalad na mananaya mula sa Pasay City ang naturang mga numero sa magkahiwalay na lotto outlet sa naturang lungsod.

Ayon sa mapalad na lotto bettor, matagal niyang inalagaan ang 10-numero na lagi niyang tinatayaan ng limang beses sa isang linggo sa pamamagitan ng system 8 na nagkakahalaga ng kabuuang P1,680.

Planong bilhin ng mapalad na mananaya ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay na maiilit na ng pinagsanlaang bangko ng dating may-ari at tutustusan din ang pagpapagamot sa amang may sakit.

Pinayuhan din ni Rojas II ang masuwerteng lotto bettor na tumulong sa mga mahihirap sa kanilang lugar bilang isa na ring pasasalamat sa Poong Maykapal.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply