Tulong ng Amerika ‘di pa kailangan – DFA

HINDI pa kailangan ng bansa ang tulong ng Amerika.

Ito ang ipinahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa panawagan na kailangan nang magpasaklolo ng Pilipinas sa Estados Unidos para resolbahin ang tensyon sa Scarborough Shoal laban sa China.

Ani DFA Spokesperson Raul Hernandez, nagpapatuloy pa ang negosasyon sa pagitan ng dalawang bansa at naniniwala ang gobyerno na maaayos ang problema sa mapayapang paraan.

“Hindi pa napapanahon na humingi ng tulong sa ibang bansa. Kaya natin ito,” ayon kay Hernandez.

Binigyang diin ni Hernandez na kayang resolbahin ng Pilipinas ang tensyon at umaasa silang magkakaroon ng positibong resulta ang pagpupulong nina DFA Secretary Albert del Rosario at Chinese Ambassador to Manila Ma Keqing.

Hanggang sa kasalukuyan ay nagkakainitan pa ang Pilipinas at China sa Scarborough Shoal sa South China Sea makaraang mahuli ang iligal na pangingisda ng ilang mga Tsino sa nasabing karagatan.

Tiniyak din ng pamahalaan na hindi aalis at hindi iaabandona ng flagship vessel ng Philippine Navy na BRP Gregorio del Pilar (PF-15) ang Scarborough Shoal.

Ani Navy chief Vice Adm. Alexander Pama, mananatili sa lugar ang BRP Gregorio del Pilar na nakaposisyon pa rin bagamat hinarang ng dalawang Chinese vessel.

Bago ang pahayag ng DFA, nauna nang hiniling ni Sen. Gregorio Honasan, chairman ng Senate defense committee na dapat nang hingin ng bansa ang tulong ng Amerika at iba pang kaalyadong bansa laban sa China, matapos aminin ng militar na wala silang kakayahan na ipagtanggol ang soberenya ng bansa.

Nagbabala pa si Honasan na kung isasabak sa giyera ang kaisa-isang barko na Gregorio del Pilar ay posibleng mawawasak kaagad ito.

Matatandaang ilang beses na ring naghayag ng posisyon ang Estados Unidos na wala silang kinakampihan dahil sa kanilang paniniwala na dapat resolbahin ang pag-aagawan sa teritoryo ay ang mga bansa ring nasasangkot, ito ay sa kabila ng lantarang pagbibigay ng suporta ng Amerika sa Pilipinas.

Ang bahagi ng South China Sea na sinasabing mayaman sa langis at gas ay inaangkin din ng Vietnam,  Brunei, Malaysia at Taiwan.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply