Tulong ng US vs China wag asahan – Gringo

PINAALALAHANAN ni Senador Gregorio Honasan ang pamahalaan na huwag pakakasiguro na tutulong ang Estados Unidos sakaling mauwi sa bakbakan ang tensyong nagaganap sa pagitan ng Philippine Navy BRP Gregorio del Pilar Ship at 2 Chinese Maritime Surveillance Ship.

Kaya ang payo ni Honasan, mas makakabuti na ipatupad pa rin ng gobyerno ang mapayapang paraan ng pakikipag-usap sa Tsina kaugnay sa pinag-aagawang Scarborough Shoal.

“Hindi tayo makasisiguro kung tutulungan tayo ng US sakaling lumala  kung kaya mas makakabuti na idaan na lamang ito sa diplomasyang paraan,” ani Honasan.

Pinaboran ni Senador Panfilo Lacson ang tinuran ni Honasan na kailangan pa ring maresolba ang gusot sa mapayapang paraan.

Pero nagpadala na ng dagdag na pwersa ang Philippine Navy sa Scarborough Shoal upang matiyak na hindi iaabandona ng  BRP Gregorio del Pillar (PF-15) ang naturang lugar.

Ito ay matapos na ihayag ni Philippine Navy chief Vice Adm. Alexander Pama na mananatiling nakaposisyon sa lugar ang BRP Gregorio del Pillar kahit hinarang ng dalawang Chinese vessel.

Nagpahayag din ng pagsuporta si Honasan sa naging hakbang ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na naghain na lamang ng Diplomatic Protest matapos na manindigan ang embahada ng Tsina na teritoryo rin nila ang Panatag Shoal kung saan ay nagsagawa ng illegal fishing ang walong Chinese Fishing Vessels.

Nagtangka na arestuhin ng BRP Gregorio del Pilar ang mga mangingisda na ilegal na pinaghuhuli ang mga buhay na pating, corals at iba pang yamang dagat na nasasakupan ng Pilipinas subalit humarang ang dalawang Chinese surveillance ship.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply