Wala na ngang wang-wang

WALA na nga pong wang-wang.

Hindi po ako nagbibiro, maliban sa mga pulis, bumbero at ambulansiya, wala na akong nakikitang gumagamit ng wang-wang sa lansangan sa Kalakhang Maynila.

Napalitan na po sila ng back-up vehicles.

At mas nakatatakot ang mga back-up vehicle na ito dahil nang-iipit at nantatagis ng mga sasakyan sa likod ng boss nila.

Ilang kaibigan na ng Free Spits ang nagreklamo sa atin tungkol dito, subalit noong una ay hindi natin masyadong binigyang pansin dahil inisip po natin na baka nagmamadali lang sila.

Pero nitong mga nakaraang dalawang buwan ay sunod-sunod ang reklamong natatanggap natin.

Nasundan pa ito ng isang insidente kung saan kitang-kita ng Free Spits na inipit ng isang Berdeng Ford Expedition, ZMG 575, ang isang kawawang kotse sa C5 dahil nasingitan nito ang binabantayan niyang Ford E-150.

At walang pakundangan ang dalawang sasakyan na may numerong 8 sa harap lang. Tinahi ang napakasikip na C5 na halos tamaan ang mga sasakyan sa paligid.

Isa pa ang insidente sa EDSA. Dito naman isang itim na Mitsubishi Pajero ang sinusundan ng isang puting Innova. Sa tuwing sisingit ng lane ang Pajero ay iipitin ng Innova ang sasakyan sa likod nito.

Hindi miminsang beses na muntik nilang tamaan ang sasakyan sa likod nila. Sa katunayan, sa biglang pag-ilag ng isang Mitsubishi Lancer sa Innova, tumama ito sa isa pang makulit na bus sa kanan niya.

Nakaiinis na! Kung makaasta ang mga back-up vehicle na ito, mas matindi pa sa naka-wang-wang sila. Tinatahi ang lansangan, winawalis ang mga nananahimik na motorista at iniiwan ang anomang aksidente sanhi ng kagaguhan nila.

Nawala na nga ang wang-wang. Napalitan naman ng back-up vehicles, akala mo pa Presidential convoy ang sinusundan nila.Napagbawalan nga sa isang klase ng pang-aabuso napalitan naman ng iba.

Ang masakit nito, mas delikado sa mga sasakyan sa kalye ang asta ng mga back-up vehicle na ito dahil isang araw, baka may mapatay silang tao.

‘Yan ang Tuwid Na Daan.

Sundan ang iba pang ngawngaw ko sa http://freespits.wordpress.com o kaya email ninyo ako sa ira_p@hotmail.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply