Yaman ni BI Chief David tumaas sa P7.8M

UMABOT sa P7.8 milyon ang naging kayamanan ng punong opisyal ng Bureau of Immigration (BI) makaraang iluklok ni Pangulong Benigno Aquino III sa puwesto noong Marso 2010.

Sa nakuhang kopya ng Statement of Assets and Liabilities and Net Worth (SALN) mula sa tanggapan ng Ombudsman para sa taong 2010, umabot sa kabuuang P6,831.900M ang halaga ng mga bahay at lupain ni Immigration Commissioner Ricardo David Jr at ng asawa nito sa Taguig City, Cagayan de Oro City at sa Tuba, Benguet.

Kabilang sa nasabing ari-arian ay ang bahay nito sa AFPOVAI Phase IV, isang pabahay para sa mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines, sa Taguig City na nabili sa halagang P1.8M noong 2008, bukod pa sa ginastos na P2.2M para pagandahin ito.

Pag-aari ni David ang isang 385 square meters na bahay at lupa sa Patag Crossing, Cagayan De Oro City na nabili noong 2005 sa halagang P820,000, gayundin ang isang residential lot na may sukat na 296 sqm na matatagpuan din sa nasabing lunsod na nabili noong 1996 sa halagang P118,400.

Bago naging BI chief, nanungkulan si David bilang chief of staff ng AFP sa loob ng walong buwan, simula Hunyo 30, 2010 hanggang Marso 2011. Bago naging AFP Northern Luzon Commander, commander-in-chief ng 4th Infrantry Division ng Philippine Army, Army Support  Command, 402nd Infrantry Brigade, at ng 50th Army Infrantry Battalion.

Bukod sa mga nasabing bahay at lupain, pag-aari rin ni David ang isang condominium unit sa Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City na hinuhulugan simula 2007 para sa kabuuang halaga na P1.6M at isang parking slot sa Vigan street, Taguig City sa halagang P157,000.

Habang umaabot naman sa kabuuang P4.068M ang personal assets ni David, kabilang na ang cash on hand/bank accounts sa halagang P1,964,892M, tatlong sasakyan–Isuzu Crosswind na nabili noong 2008 sa halagang P350,000; Toyota Vios sa halagang P609,000 noong 2007 at isang Jeep na nabili sa halagang P80,000 noong 2007, electric wares and appliances na may kabuuang halaga na P470,500, mga alahas na may kabuuang halaga na 169,000, at sports wares sa halagang P131,000.00.

P3.034M naman ang kabuuang liabilities ni David, kabilang na ang personal na utang sa isang nagngangalang Atorni Jose Tapnio sa halagang P1.9M; sa isang Gregoria Malacay sa halagang P350,000 at bayarin sa DM Consuji Corporation sa halagang P784.421.

Sa talaan ng Department of Budget and Management (DBM) para sa 2012, tumanggap si David ng kabuuang sahod na P551,000 bilang Immigration Commissioner noong 2011 habang tataas naman ito sa  P683,000 ngayong taon.

Bukod pa nasabing sweldo para sa 2011, tumanggap din si David ng overtime (OT) pay mula sa kawanihan at ng OT bonus bawat buwan, depende sa magiging koleksyon ng kawanihan mula sa binabayarang ‘express lane’ ng mga dayuhan at ng publiko.

Hindi naman maikumpara ang isinumiteng 2010 SALN ni David sa 2011 SALN nito dahil bukas, Abril 30 ang takdang taning na ibinigay ng batas para sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan upang magsumite ng kanilang SALN, habang hawak pa rin ng Office of the President ang kopya ng SALN ni David para sa taong 2009.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply