Yamang dagat ng Pinas sentro ng biodiversity

HINDI na siguro kaila sa nakararaming mga Pinoy ngayon na ang ating mahal na bansa ay isang bansang pandagat na binubuo ng may 7,107 na isla.

Mayroong 80% ng ating teritoryo ang binubuo ng karagatan at ang haba ng ating baybayin ay may 36,289 kilometro na halos kasing haba ng sa Australia at higit na mahaba kaysa sa mainland Estados Unidos.

Bunga nito, ang Pinas ay nabansagan ng mga dalubhasa sa maritime environment na “sentro ng marine biodiversity.”

Ibig sabihin nito ay nasa gitna tayo ng sentro ng pinakamataas na lebel ng bilang at kalusugan ng mga nabubuhay na yamang dagat sa buong mundo.

Matatagpuan ang Pilipinas sa higit na malawak na bahagi ng coral triangle sa mundo kung saan ayon sa mga dalubhasa ay may pinakamataas na antas dito ng marine biological diversity.

Ayon pa sa kanila, ang ating karagatan ay nagsisilbing tahanan ng mga dugong, butanding, sea turtles, mga endangered sea mammals, at mga mamahaling fish species.

Sa katunayan, napag-alamang ang tuna highway ay dumaraan sa Pilipinas kaya’t ‘di kataka-taka kung bakit napakaraming mamahaling tuna ang nahuhuli sa ating mga karagatan.

Natural lamang na upang mapanatili ang ating lugar sa lawak ng biodiversity sa daigdig at ayon na rin sa ating Saligang Batas, napaka-importante talaga ng isang higit na malakas at maasahang Hukbong Dagat.

Subalit, dala ng bilang at estado ng ating mga barkong pandigma, sadyang mahirap para sa Navy ang mapangalagaan nang lubos ang ating karagatan at ang yamang nabubuhay dito.

Sa ngayon, nananatiling isa sa pinakamalaking banta sa ating seguridad ang pananalanta ng mga pirata at mga iligal na mangingisda na patuloy na sumisira at umuubos sa ating yamang dagat.

Malaking problema talaga ito dahil bukod na naipagkakait sa ating mga kababayan ang kapakinabangan ng yamang dagat natin ay naipagkakait din natin sa mga susunod na henerasyon ang yamang maiiwan sana para sa kanila.

Subalit sa harap ng patuloy na pananalanta na ito ay wala rin namang hinto ang Navy at iba pang mga ahensya ng pamahalaan upang mapangalagaan ang ating yamang dagat.

At natural, sa tulong ng bawat isa sa ating mga kababayang kapwa nagmamahal sa ating karagatan, kakayanin natin ito!

Kaya natin yan Pinoy!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply