114 taong paglilingkod sa sambayanang Filipino

SA DARATING na ika-20 ng Mayo, ipagdiriwang na Hukbong Dagat ang kanyang ika-114 taong anibersaryo.

Maaring gunitain ang kasaysayan ng simula ng Navy sa pagkakaluklok ng watawat ng Pilipinas sa isang maliit na barko noong ika-20 ng Mayo 1898 lulan ang unang pangulo ng Pilipinas na si Heneral Emilio Aguinaldo.

Bunga ng makasaysayang kaganapang ito, maraming nagsasabi na mas nauna pang itinaas ang bandila ng Pilipinas sa barko ng Hukbong Dagat kaysa sa mansyon ni Aguinaldo noong deklarasyon ng kalayaan sa Kawit noong ika-12 ng Hunyo 1898.

Makikita sa ating kasaysayan na kahit noon pa man ay napakahalaga na ang kakayahang maglunsad ng operasyong pansandatahan mula sa dagat. Sadyang hindi matatawaran ang isang malakas at maaasahang hukbong pandagat lalo’t higit pa na ang Pilipinas ay napalilibutan ng karagatan at binubuo pa ng libo-libong isla.

Daan-daang taon ang lumipas sa kasaysayan natin at ang kasaysayang ito ay puno ng pagpapalitan ng mga banyagang mananakop na lahat ay nagmula sa karagatan.

Nangyari ang masaklap na bahaging ito sa kasaysayan ng Pilipinas dahil kitang-kita na walang kakayahan ang ating bansa na ipagtanggol ang kanyang sarili mula sa karagatan.

Mga Espanyol, mga Amerikano, at mga Hapon ang nagpalit-palitan dahil walang malakas at maaasahang hukbong pandagat sa Pilipinas noong mga panahong iyon.

Bunsod nito, ang isang malakas at maaasahang Navy ay hindi lamang isang kagustuhan o pangarap ng ating bansa.

Ito ay isang mahalaga at ‘di-maiiwasang pangangailangan kung saan nakasalalay hindi lang ang yaman at kabuhayan ng mga mamamayan kundi ng kinabukasan at buhay mismo natin at ng mga susunod na henerasyon.

Makikita sa mga ito na nasa karagatan ang buhay ng ating bansa. Mula sa dagat nanggagaling ang ating kabuhayan at maging ang ating kaligtasan. At sa loob ng mahigit 100 taon, nabuo ang makulay at makasaysayang buhay ng Hukbong Dagat. Mahigit 100 taon ng paglilingkod sa sambayanang Filipino at sa karagatang pumapalibot sa 7,100 na isla ng ating bansa.

Sadyang napaka-importante talaga ng isang malakas at maaasahang Navy. Iyon nga lang, sa panahong kinahaharap nating mga Pinoy sa ngayon ay hindi kakayanin ng lahat ng Navy ang tungkuling pangtanggulan at pangkaunlaran.

Malaking bahagi ng tagumpay ng Navy ang tulong ninyo mismo. Kaya’t sa suporta at pag-alalay ninyo ay kakayanin natin ito Pinoy!

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply