12 namatay sa dengue sa Zamboanga

MAY 12 na ang namamatay dahil sa sakit na dengue sa Zamboanga City at dumarami pa ang tinatamaan ng naturang sakit.

Batay sa record ng City Health Office, ang pinakahuling namatay sa sakit na dengue ay isang 5 taong gulang na batang babae na residente ng Dacon Homes, Barangay Recodo,Zamboanga City.

Ayon kay City Health Officer Dr.Rodel Agbulos, umabot na sa 864 ang naitalang bilang ng tinamaan ng sakit na dengue simula lamang sa buwan ng Enero hanggang sa kasalukuyang taon.

Ang nasabing bilang ay isinugod naman sa ibat-ibang ospital sa lalawigan na karamihan ay pawang mga bata.

Nitong Mayo 10 lamang idineklara ni Mayor Celso Lobregat ang Zamboanga City na dengue outbreak kasunod na naitalang 10 katao ang binawian ng buhay dahil sa naturang sakit.

Bagamat nagdeklara ng dengue outbreak ang lungsod at naglunsad ng ibat-ibang programa ang local na pamahalaan laban sa dengue ay nasundan pa  ng dalawa pang bata ang namatay dahil sa sakit.

Bunsod nito, lalo pang nangamba  ang local na pamahalaan maging ang city health office  sa posibleng paglobo pa ng kaso ng naturang sakit lalo na ngayong nalalapit na naman ang panahon ng tag-ulan at pagbubukas ng klase sa Hunyo 4.

Muli namang nanawagan  ang Department of Health sa mga residente na makipagtulongan sa paglilinis sa kanilang kapaligiran  upang  maiwasan na magkaroon ng dengue outbreak sa kanilang lugar.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply