Plunder vs Corona wag nang ituloy– Enrile

HINILING ni Senate President Juan Ponce Enrile sa Malakanyang na huwag nang ituloy ang paghaharap ng Ombudsman ng kasong plunder laban sa pinatalsik na si Corona.

Ayon kay Enrile, mas makabubuti na bigyang konsiderasyon si Corona para sa paghilom ng sugat at pagkahati-hati ng bayan sa katatapos na impeachment trial.

Iginiit ni Enrile na wala siyang nakikitang sapat na batayan para kasuhan ng plunder si Corona dahil walang lumutang na mga ebidensya na ang $2.4 million at P80.7 million bank deposits nito ay galing sa korapsyon.

Ang payo ni Enrile, maaaring habulin si Corona kung hindi ito nagbabayad ng buwis sa mga ari-arian niyang naipundar habang siya ay miyembro ng Korte Suprema.

Ito rin ang naging apela nina Senators Francis Escudero, Edgardo Angara at Senate Pro-Tempore Jinggoy Estrada kay Pangulong Noynoy Aquino.

Anila, lubayan na si Corona dahil sobra-sobrang parusa na ang pagsibak sa kanya bilang Chief Justice, perpetual disqualification sa paghawak ng anomang pwesto sa pamahalaan at matinding kahihiyang naranasan ng kanyang buong pamilya.

Kaugnay rin nito, ipinaliwanag ni Senador Bong Revilla na napakahirap man ang naging paghatol niya kay Corona dahil sa maraming konsiderasyon, inisip na lang nito na “alang-alang sa pagkakaisa at paghilom ng bansa” ang kanyang naging verdict.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply