2 ahente binistay ng bala sa Batangas, todas

PATAY na ang dalawang lalaki nang matagpuan ng mga awtoridad na tadtad ng tama ng bala ng baril habang nasa loob ng kanilang kotse  sa Batangas kaninang umaga, sa ulat ng pulisya.

Sa inisyal na impormasyong ibinahagi ni PNP Spokesman P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr.,  badang alas-6:30 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng dalawang  lalaki sa loob ng kotse na nakaparada sa national highway, sakop ng Batulao, nabanggit na lalawigan.

Ayon kay P/Supt. Renato Mercado, hepe ng Nasugbu police, kapwa tadtad ng tama ng punglo ang mga biktima  na sina Aaron Ambita, 31, at Rey Castillo, pawang sales agents.

Napag-alaman na napuna ng awtoridad ang isang abandonadong Honda City car na may License Plate No. XSA 232 habang nakaparada sa tabi ng kalsada.

Umaandar pa umano ang makina ng kotse subalit naka-lock naman ang mga pinto kaya napilitan ang mga imbestigador na basagin na lamang ang salamin ng sasakyan upang mabuksan at mapasimulan ang pagsisiyasat.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Batangas PNP upang kilalanin ang mga suspek at malaman kung ano ang motibo sa pamamaslang.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply