2 big time supplier ng cytotec sa Quiapo arestado

NAARESTO ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang dalawang Pakaistani na umano’y bigtime supplier ng gamot na cytotec sa isinagawang buy bust operation sa Quiapo, Maynila, nitong Lunes ng gabi (Abril 30).

Iniharap kay Manila Mayor Alfredo Lim ang mga nadakip na sina Majid Khan, 34, ng Purok 6, Alabang Muntinlupa na kapatid umano ng isang dating tauhan ng Manila City Hall; Subha Ali, 36, at Gracelyn  Baldo, 29, kapwa residente ng Rm. No. 1221, 12th floor Central Park Condominium, Bangkal Makati City.

Sina Khan at Ali ang siyang nagsusuplay ng cytotec sa naturang lugar gayundin sa lalawigan ng Cebu.

Ayon kay Chief Insp. Joselito Von Possel, hepe ng Quiapo–PCP, ang tatlo ay sinampahan ng kasong paglabag sa RA 9711o illegal selling of abortive pills at RA 5921 Anti-Pharmaceutical Act.

Nabatid kay Von Possel na maraming kaso na ang natatanggap ng kanilang tanggapan hinggil sa malawakang bagsakan ng suplay ng cytotec sa paligid ng simbahan ng Quiapo na kinokondena ng Parish Priest na si Monsignor Clemente Ignacio.

Aniya, agad na inutos ni MPD-station 3 commander Supt. Ricardo Layug ang surveillance at buy bust operation laban sa mga suspek na agad namang nakipagtransaksyon.

Agad namang nagkasundo ang poseur buyer na si PO3 Froilan Peter Arboleda at mga suspek, kung saan sa isang fastfood chain sa panulukan ng Quezon Blvd. at P. Paterno St. sa Quiapo isinagawa ang  transaksyon.

Hindi nagtagal ay dinakma ang tatlo habang nasa aktong inaabot ni Arboleda ang marked money na P20,000 para sa apat na bundle ng imported na cytotec.

Umaabot naman sa P100,000 ang street value ng 2,000 pampalaglag na gamot na may brand name na  Arthrotec 50.

Ang naturang gamot ang ginagamit ng mga nais na magpalaglag na mariin namang binabatikos ng Simbahang Katolika.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply