20, hindi 92 ang barko ng China sa Panatag Shoal

ITINANGGI ng China na 92 barko ang dumaong sa pinag-aawayang Scarborough Shoal sa West Philippine Sea o South China Sea.

Sa mensaheng ipinadala ng Chinese Foreign Ministry, sinabi ng tagapagsalita ng ahensiya na nasa 20 fishing boats lamang ang pumalaot sa pinagtatalunang hugis-trianggulong kalipunan ng mga buhanging-isla at bato na matatagpuan 220 kilometro mula sa baybayin ng Masinloc, Zambales.

Ito ay taliwas sa sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na umabot sa 92 ang kabuuang barko mula sa China ang pumalaot sa Bajo de Masinloc noong Mayo 22.

Ipinagdiinan din ni Chinese Foreign Ministry spokesman Hong Lei na ang presensiya ng Chinese vessels ay bilang tugon sa sinasabing ‘provocative actions’ o mapangahas na hakbang ng Pilipinas sa pinag-aawayang Panatag Shoal para sa Pilipinas at Huangyan Island naman sa China.

Hindi naman nabanggit ni Hong kung ano ang mapangahas na ginawa ng Pilipinas sa isla upang magpadala sila ng ganoon karaming barko.

Idinagdag pa ni Hong na naaayon sa kanilang patakaran ang pagdaong ng fishing vessels at hindi ito nanghuhuli ng mga yaman-dagat bilang pagsunod sa ipinatutupad na fishing ban sa isla.

Gayunpaman, hindi naman nabanggit ni Hong kung ano-anong tipo ng barko ang kasalukuyang nakadaong.

Hindi rin nagbigay ng reaksyon si Hong sa inihaing diplomatic protest ng Pilipinas kasunod ng patuloy na panghihimasok ng China sa islang sakop ng Philippine Exclusive Economic Zone (EEZ).

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply