22,000 visa para sa mga Pinoy naipamahagi ng UK

UMABOT sa 22,000 Filipino ang nabigyan ng pahintulot ng pamahalaang Inglatera na bumisita sa kanilang bansa noong isang taon.

Sa kalatas na ipinalabas kanina ng British embassy sa Maynila, mas mataas ito sa 1,760 bisa na ibinigay ng kanilang pamahalaan noong 2010 at sa 3,520 travel documents na ipinagkaloob sa mga Filipino noong 2009.

Naniniwala rin si UK Regional Manager for East Asia and Australasia Ed Mackie na ang pagtaas sa bilang ng binigyan ng pahintulot na makapasok sa kanilang bansa ay bunsod ng gumagandang relasyon ng London at Maynila.

Aniya, lalo pang pinag-iibayo ng British government at ng embahada nito ang kanilang relasyon sa Pilipinas sa larangan ng turismo at pagnenegosyo.

Sinabi pa ni Mackie na maligayang tatanggapin ang mga Filipino na nais bumisita sa kanilang bansa upang magliwaliw, bisitahin ang kanilang mga mahal sa buhay o kaya naman ay nais magtayo ng negosyo sa England.

Inihayag din ng embahada ang bago nitong serbisyo sa pagbibigay ng visa sa mga Filipino na nais magpunta sa Inglatera.

Sa pamamagitan ng ‘priority visa service,’ sa loob ng 3 araw, maaaring makuha ng isang kuwalipikadong Filipino ang kanyang visit visa matapos magbayad ng kaukulang P4,200.

Sa nasabing serbisyo, papayagan ang isang customer, na pumasa sa itinakdang palatuntunan, na mailagay sa unahan ang kanyang visa application.

Bukod sa ‘priority visa service,’ simula sa Mayo 12, ilulunsad din ng embahada ng tinatawag nitong ‘prime time appointment service’ kung saan maaaring isumite sa araw ng Sabado at sa pamamagitan ng kumpyuter ang visa application.

Bumisita lamang sa kanilang website na http://ukinthephilippines.fco.gov.uk.

Nagbibigay din ang embahada ng tinatawag na long term visit visa na may epektibo mula 1 taon hanggang 10 taon, depende sa pangangailangan ng isang biyahero.

Naniniwala rin ang embahada na ang mga bagong serbisyo para sa pagbibigay ng visit visa ay mga pamamaraan upang mapadali ang pagpapalabas ng travel document ng isang Filipino, lalo na sa mga tinatawag na business traveler.

Inabisuhan din ng embahada ang mga Filipino na gustong manood ng isasagawang London Olympics na ngayon pa lamang ay isumite na ang kanilang aplikasyon sa bisa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply