3 patay, 24 sugatan sa pagsabog sa Iligan

INILAGAY kaagad kaninang tanghali sa full alert status ang puwersa ng militar at kapulisan sa Iligan City kasunod ng naganap na pagsabog na kumitil sa buhay ng tatlong katao, ikinasugat ng 24 iba pa.

Ayon kay PNP Spokesman P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., agad na ipinag-utos ng pamunuan ng pambansang kapulisan na selyuhan nila ang mga entrance at exit points upang hindi tuluyang magambala ang umiiral na katahimikan sa Iligan City.

Sinasabing umakyat na sa tatlo ang namatay sa naganap na pagsabog ng isang granada sa tapat ng El Centro KTV bar, sa kahabaan ng Roxas Avenue kanto ng Quezon St. sa nabanggit na lungsod bandang alas-8:00 ng gabi.

Pero sa ulat na ibinahagi ni Army Col Daniel Lucero, Commander, ng 103rd Infantry Brigade ay may dalawa silang kinilalang nasawi na sina Janjan Dumalagan at Jay Hangad na residente sa nasabing syudad.

Base sa ulat mula sa talaan ng mga pagamutang pinagdalhan ng mga sugatan ay may 24 ang naitalang sugatan na kinabibilangan nina Habang, Kristel Cabahug, Rick Mañego, John Paul Ponce, Jay Seton, Dennis Covera, Abdul Gaffar Maruhom, Sonny Mendez, Jenny Fe delos Santos, Lizelle Luguban, Rey So-ong, Dianne Gacos, Aldrin Magsayo, Aliyah Barami at Elmilita Ibarak.

Kinumpirma ito ng Philippine Army 1st Infantry Division, dalawa lamang din ang namatay habang 30 ang sugatan bunsod ng nasabing pagsabog na hinihinalang awayan o ridu ang pangunahing motibo sa nasabing pagpapasabog.

Tumanggi si Lucero na agad na iugnay sa terorismo ang nasabing insidente dahil isang tahimik na lugar ang Iligan at bukod pa rito ay binibigyan nila ng maluwag na pagkilos ang mga rebeldeng MILF na nagnanais na magbigay ng huling paggalang sa yumaong MILF Vice chairman for military affair Aleem Abdul Azis Mimbantas.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply