5 bansa pabor dalhin sa UNCLOS ang usapin sa Scarborough

INIHAYAG ng pamahalaan na limang malalaking bansa ang nagpahayag ng pagsuporta na dalhin ng Pilipinas at China sa international tribunal ang usapin sa pinag-aawayang Scarborough Shoal sa West Philippine Sea o South China Sea.

Sa kanyang talumpati sa harap ng mga opisyal at miyembro ng Makati Business Club at Management Association of the Philippines kahapon, Mayo 16 ibinalita ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na bukod sa Estados Unidos, sang-ayon ang pamahalaan ng United Kingdom, Australia, Japan at South Korea na iresolba sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang usapin.

Ayon pa kay Del Rosario, nananatili pa rin ang stand-off ng magkabilang panig sa kung sino sa Maynila at Beijing ang nagmamay-ari sa kontrobersiyal na hugis-trianggulong kalipunan ng mga buhanging-isla at bato na matatagpuan 220 kilometro mula sa baybayin ng Masinloc, Zambales.

Naniniwala rin ang kalihim na sa pamamagitan ng patuloy na pag-uusap ay mareresolba ang krisis sa mapayapang paraan.

Umaasa rin si Del Rosario na manunumbalik ang magandang relasyon ng dalawang bansa, kung saan umabot sa US$1.5 bilyon ang direktang puhunan na ipinasok ng China sa bansa habang umabot naman sa US$3 bilyon ang kapital na inilagak ng mga Pilipinong negosyante sa komunistang bansa.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply