53 OFWs mula Syria, balik Pinas na mamayang gabi

AABOT na sa 1,512 overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Syria ang nakabalik sa Pilipinas, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa isang kalatas, sinabi ni Foreign Affairs Assistant Secretary Raul Hernandez na darating mamayang alas-9:55 ng gabi sakay ng Emirates Airline flight 334.

“Habang bukas, Mayo 29, naman nakatakdang dumating ang karagdagang 28 OFWs mula sa Damascus at inaasahang pasahero ang mga ito ng Emirates Airlines flight 332 na lalapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bandang alas 3:55 ng hapon,” pahayag pa ni Hernandez.

Ayon pa kay Hernandez, nananatiling bukas ang halfway house ng embahada sa Damascus upang tumanggap ng mga kababayan na nais nang takasan ang tumitinding kaguluhan sa Syria.

Idinagdag pa nito na patuloy na nagtutungo sa bayan-bayan ng Syria ang mga  grupong binuo ng embahada upang hikayatin ang mga Syrian employer na ibigay na sa pamahalaan ng Pilipinas ang pangangalaga sa mga kasambahay upang maibalik ang mga ito sa bansa.

Muli rin nanawagan si Hernandez sa mga Pilipinong may kamag-anak sa Syria na makipag-ugnayan sa DFA upang matukoy kung saan sa Damascus naninirahan ang kanilang kaaanak para maibalik ang mga ito sa Pilipinas.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply