6 may kasong Chinese nat’l ‘pinalusot’ ng PNP

NAPALUSUTAN ang Philippine National Police (PNP) ng Bureau of Immigration (BI) matapos patalsikin ng immigration ang nahuling anim na Chinese national sa Davao City noong Abril 18.

Ayon kay PNP Davao City Chief Senior Superintendent Ronald Dela Rosa, hindi niya alam na pinabalik na pala ng Immigration ang 6 dayuhang Intsik sa China makaraang payagan ni Davao City RTC Branch 16 Judge Emmanuel Carpio ang petition for habeas corpus ng mga dayuhan.

Sinabi pa ni Dela Rosa na kasalukuyang dinidinig sa City Prosecutors’ Office kung dapat bang sampahan ng paglabag sa Republic Act 8484 o Acess Devices Regulation Act of 1988 ang mga dayuhan, kasama na ang 72 Taiwanese nationals.

Aniya, hindi nakipag-ugnayan sa kanya ang immigration bago ipinalabas ni BI Commissioner Ricardo David Jr. ang ‘ordered to leave’ na kautusan laban sa 6 na Chinese national.

“Wala, hindi ko alam na na-deport na pala,” reaksyon pa ni Dela Rosa.

Batay sa Philippine Immigration Act of 1940, kailangan kumuha ng katibayan sa hukuman at sa pulisya ang immigration bago isakatuparan ang anumang deportasyon laban sa isang dayuhan.

Naniniwala naman ang isang beteranong immigration lawyer na hindi maaaring patalsikin ang mga dayuhan habang nakabinbin ang kaso sa kanila.

Aniya, malinaw sa batas ng pandarayuhan sa bansa na ang tatlo-kataong Board of Commissioners ang magpapasya kung dapat bang-ideport ang isang dayuhan.

Sinabi naman ni Atorni Arvin Santos, hepe ng BI Law and Investigation Division (LID) na ‘ordered to leave’ lamang ang kautusan ni David sa mga Chinese national.

Idinagdag pa ni Santos na hindi naman kinansela ng pamahalaang Tsina ang ibinigay na pasaporte sa mga Chinese national.

Kinatigan naman ng isang BI legal officer ang posisyon ng kawanihan. Aniya, hindi na kailangan pang kumuha ng court at police clearance ang tanggapan sa kaso ng 6 na Chinese nationals.

Sa ipinalabas na kalatas ng kawanihan noong Mayo 6, sinabi ni David na isinakay ang mga dayuhan sa Cathay Pacific flight patungong Hong Kong noong Mayo 1.

Kinilala ni David ang mga dayuhan na sina Kun Long, Xiang Zhong, Jungcheng Huang, Ning Li, Yao Lin Li, at Haitao Pan.

Ang anim dayuhang Intsik, kasama ang 72 Taiwanese nationals ay natimbog ng pulisya sa kasong high-tech fraud sa isinagawang magkakahiwalay na operasyon sa nasabing lunsod.

Batay sa imbestigasyon, nagpanggap na call center agents ang mga dayuhan at binabantaan na sasampahan ng kaso ang mga nabiktimang Taiwanese at Chinese national kung hindi babayaran ang kanilang mga utang sa tubig, kuryente, at telephone bills.

Nasamsam sa ginawang paglusob sa inuupahang bahay ng mga akusado ang laptop computers, cellphones at iba pang electronic devices na ginagamit sa panloloko.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply