Adhikain ng isang inhinyero

LAYUNIN ng isang matagumpay na Filipinong inhinyero sa Macau na maibahagi ang kanyang mga kaalamang natutunan doon, sa mga kababayan natin dito sa Pilipinas.

Kaakibat ng aking paglalakbay sa iba’t ibang panig ng mundo upang mangalap ng mga istorya ang pakikisalamuha sa iba’t ibang lahi at tao.

Kasabay ng mga bagong karanasan, mga kaalaman at kuwento na nakapagbibigay ng inspirasyon at aral sa buhay. Sa bansang Macau ay nakilala ko ang isang inhinyero na tubong Isabela. Siya ay si Nathaniel Tagulao, isang matagumpay na inhinyero roon.

Nang makapagtapos ng kolehiyo ay nagtrabaho si Nathaniel sa Don Bosco Technical College sa loob ng dalawang taon, hanggang sa isang oportunidad na makarating sa bansang Macau ang dumating sa kanya.

Sapagkat wala pang sariling pamilya ay naging madali para sa kanya ang magdesisyon upang iwan ang Pilipinas at makipagsapalaran sa Macau.

Nagtrabaho siya roon bilang isang chemist sa French and Portuguese Consortium Company na kilala bilang CGS-Macau, kung saan maganda ang naging kapalaran niya sapagkat mataas ang tingin ng mga taga-Macau sa mga Pinoy, dahil na rin sa ating angking sipag at dedikasyon sa trabaho.

Isang patunay niyan ang Filipino Engineers Architect Association of Macau, isang grupong kinikilala ng pamahalaan ng Macau.

Hindi nagtagal, naging senior chemist siya at higit na naging maganda ang benefits na natatanggap niya.

Bagamat naging mabait ang kapalaran sa kanya, hindi pa rin nawala ang lungkot dulot ng pagkakalayo niya sa kanyang mga mahal sa buhay.

Kung kaya’t nang magkaroon ng sariling pamilya ay siniguro niya na kasama niya ang mga itong maninirahan doon.

Sa kasalukuyan, nagtatrabaho siya sa City of Dreams sa Macau, isang casino roon, kung saan isa siya sa mga namamahala sa energy center na tinatawag ding area handling unit. Isa siya sa mga gumagabay at nagmomonitor sa mga technician, mekaniko at ilang supervisor doon.

Malaking suweldo, magagandang benepisyo at mga kaalaman ang tinatamasa ngayon ni Nathaniel sa kanyang pakikipagsapalaran sa Macau.

Ayon sa kanya, matinding disiplina at ang formula na kung tawagin nya ay 3R-responsible, respect for others and respect for himself- ang susi ng tagumpay niya.

Sa kabila ng tagumpay na kanyang tinatamasa, hinahangad niya na maibahagi sa mga kababayan nating Filipino ang mga kaalaman na kanyang natutunan mula sa kanyang pakikipagsapalaran sa ibang bansa, upang kahit papaano ay makatulong na mapaunlad ang ating kaalaman at bayan.- Saludo kami sa mga gaya mo, Nathaniel!

*******

Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan over-seas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa IBC13 tuwing Huwebes, 11:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply