Ang hatol

PAGKALIPAS ng ilang buwang maiinit na balitaktakan ng mga congressman-prosecutor at defense team sa impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona, ngayon ay ang verdict.

Ang bayan ay sumubaybay.

Tulad ng mga senador na nagsilbing mga hurado, sina Mang Juan at Aling Maria ay  taimtim na sinundan ang kaganapan sa ginagawang pagsisiyasat.

Mula simula, ang paglilits ay live na inilabas sa tri-media, partikular sa telebisyon ang pagbasa ng kasalanan umano ng pinakamataas na hukom base sa article of impeachment na iniharap ng mga prosecutor.

Sinundan ito ng paghaharap ng mga ‘witness’ na iniharap sa diumano’y pang-aabuso ng punong mahistrado at pagsalungat naman ng mga abogado ng depensa.

Ang impeachment trial kay Chief Justice Corona ay napaka-importante sa buhay ng mga Pinoy at sa bansa dahil dito sinusukat ang estado ng namumuno, partikular ang liderato ng kasalukuyang pamahalaan.

Ito ang dahilan kung kaya’t naging mabusisi ang mga senador na nagsilbing ‘judges’ sa impeachment, lalo na kay Senate President Juan Ponce Enrile, na talaga namang ginampanan ang kanyang posisyon.

Kaya kahit may sakit at ‘di ayon sa kanyang kalooban su-munod ang Punong Mahistrado   sa nais ng mga senator-judge na siya’y tumayo sa ‘witness stand’ at sagutin ang paratang na may-ari ito ng milyones na dolyar at piso.

Ang presensya ni CJ Corona sa impeachment trial upang sagutin ang mga akusasyon sa kanya ang magtutuldok kung siya’y may pagkakasala ba sa mga paratang sa kanya kaya ito isinalang sa pagsisiyasat.

Ang buong  impeachment trial ay nasaksihan ng buong sambayanan.

Sa kanilang isipan, tiyak na sila’y may desisyon na, pero ang final verdict ay mula sa itinalaga ng batas na impeachment judges, ang mga senador.

Anomang oras, ibababa ang hatol kung nagkasala ba si CJ Corona sa mga akusasyong ibinabato sa kanya para siya’y masibak sa kanyang posisyon bilang pinakamataas ng hurado sa bansa.

Ang sambayanan ay taimtim na hinihintay ang hatol!

Ngunit anoman ang magiging hatol ng mga senator-judge, isa lang ang tiyak na kalalabasan ng lahat ng ito – ang maisusulat ito at magiging bahagi ng kasaysayan ng mahal kong bansang Pilipinas.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply