Ang WAO at ARMM

MULA sa pagiging isang lugar ng mga bandido, naiahon ng matagumpay ng bayan ng Wao sa Lanao del Sur ang katayuan nito para taguriang pinakamaunlad at progresibong bayan ng Lanao del Sur. Ayon sa ulat, isa din ito sa pinagpipiliang tanghalin na modelo sa buong ARMM sa iba’t ibang larangan ng pamamahala laluna ang pagkilala nito sa pangangailangan na maisulong ang isang sustainable integrated forest management.

Sa pamumuno ni Mayor Elvino Balicao Jr., pinasimulan din ng Wao ang Solid Waste Management nito na pinaboran ng ilang environmental groups bilang pinaka-modelo sa pagresolba sa usapin ng basura. Ika nga ng isang residente ng Wao, matagal nang bawal magtapon ng basura kung saan-saan lang mula pa noong 2006.

Sinimulan ang mga proyekto ni Mayor Balicao Jr.

Sa pagbisita ni OIC Regional Governor Mujiv Hataman noong Huwebes, ipinaliwanag ni Mayor Balicao ang mga sistemang kanilang ginamit gayundin ang blueprints ng pagsasaayos ng nasabing munisipyo. Isang mountain resort ang itinatayo ng munisipyo sa ibabaw ng bundok na humigit-kumulang sa 500 msl (meters above seal level) na binubuo ng isang olympic-size na pool at dalawang mini jacuzzzi-style pools.

Mahigit apat na oras ang biyahe mula sa ARMM compound sa Cotabato City papunta sa bulubundukin na bayan ng Wao. Sa kanyang talumpati, sinabi ni Gov. Hataman na hindi dahilan ang layo para makita at maihatid ang mensahe ng kanyang administrasyon sa kanyang mga nasasakupan lalo pa’t ang usapin ay pagtugon sa pangangailangan ng mga residente ng Wao.

“Hindi ko kailangan ang dami ng bodyguards para puntahan ang mga liblib na lugar dito sa ARMM dahil alam ko na kakampi ko ang mga tao sa pagsulong ng mga reporma sa ating rehiyon,” pagdidiin ni Hataman nang tanungin ito sa kawalan ng pulis na escort sa pagbisita sa Wao.

Ipinamahagi ni Gov. Hataman ang Integrated Patents Rights sa highland settlers bilang pagkilala sa role nila sa pangangalaga sa kabundukan sa pamamagitan ng isang simpleng seremonya na dinaluhan din ng ilang upisyal ng Wao at ng ARMM. Ang mga nagawa ng Wao para iangat ang antas ng pamumuhay ng mga residente ay dapat gayahin ng mga munisipyo at lungsod sa ARMM , ayon kay Hataman.

-0000-

Nagsimula ang panunungkulan ng mga RLA members matapos na manumpa sila sa harap ni PNoy sa Malacañang kamakailan. Pero teka, paano kaya tatanggalin ng mga naupong assemblyman at assemblywoman ang mga negatibong marka na dala ng naunang RLA members? Sa umpisa pa lang, umugong na ang balita na isang RLA member ang nagbalak na bilhin ng tig-P2 milyon ang boto ng kanyang mga kasama para lamang iboto siyang Speaker.

Hindi lang daw natatapos dito ang kaniyang plano dahil nag-mobilize din daw ito ng mga pulitiko gaya ni DILG Sec. Jesse Robredo at Sen. Francis “Chiz” Escudero para kumbinsihin si OIC Regonal Governor Mujiv Hataman na tulungan siyang mahalal.

Sa kasawiang palad, minalas itong RLA member at nahalal bilang Speaker si Atty. Rasul Mitmug Jr. ng 1st district ng Lanao del Sur.

Si Atty. Mitmug ay anak ng babaeng nakita na nakasuot ng burqa na nakikipagkamay kay PNoy sa Malacañang at umani ng kritisismo dahil diumano sa isa itong security threat.

“Sweet revenge o swift justice” ba ito?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply