Araw ng paghuhukom at salita ni Pacquiao

MAAARING maganap sa araw na ito o kaya bukas ang araw ng paghuhukom kay Chief Justice Renato Corona.

Ayon sa kalendaryo ng impeachment court, may gagawin pa ang panig ni Corona at panig din ni Kongresman Niel Tupas.

Bukod sa pagsusumite ng magkabilang panig ng mga dokumento sa ebidensya at memorandum para sa conviction o acquital ni Corona, magkakaroon pa ng oral argument  ang magkabilang panig.

Maaaring matagal o hindi ang oral argument ng depensa at tagausig

Depende sa kalalabasan ng gagawin ng magkabilang panig at mismo ng impeachment court, maaari na nga na maglabas ng desisyon ang huli kahit sa araw na ito.

Maghanda na tayo sa overtime na panonood sa pelikulang ito kung saka-sakali.

MAY NAKABUO NA NG DESISYON

Sa katunayan, bago dumating ang araw na ito, may nakabuo na ng kani-kanilang desisyon sa mga senador.

Problema nga lang ang obligasyon ng mga ito na ipaliwanag sa taumbayan ang kanilang boto.

‘Yun bang === bakit anti-Corona o pro-Corona?

Kung hindi maingat ang mga senador, may magbababay na ngayon pa lang sa kanilang mga pamumulitika.

May matatalo sa kanila sa 2013 at 2016 na halalan.

Pero may mananalo rin tiyak sa pagsakay sa kasong impeachment.

BATAY SA BATAS AT EBIDENSYA

Sinasabi ng mga senador, ibabatay nila sa batas at ebidensya ang kanilang magiging desisyon.

Lumabag ba si Corona sa batas sa Statement of Assets, Liabilities and Net- worth?

Ito umano ang iikutan ng desisyon dahil ibinasura nga nila noon ang usaping pagkakaroon ng “tago o nakaw na yaman ni CJ.”

Nagsinungaling nga ba si Corona sa kanyang sinumpaang salaysay sa taon-taon nitong SALN?

Nagsinungaling nga ba siya sa kabuuang P80 milyong laman ng kanyang libreta sa bangko, sa kanyang dolyares sa bangko at sa kanyang mga ari-ariang bahay at lote?

IMPEACHABLE BA O HINDI

Pagkatapos na malaman na nagkasala, halimbawa, si Corona, susunod na katanungan dito ang “impeachable ba o hindi” ang kanyang pagkakasala o pagkakamali?

Diyan magkakatalo-talo ang mga senador.

Sa kanilang mga pahayag, malalaman natin ang mga may kukoteng senador.

O sabihin na nating magagaling at marurunong ang lahat ng mga senador, sino sa kanila ang magbabantay talaga sa batas at ebidensya sa kanilang mga desisyon?

SINO ANG NAMUMULITIKA

Sino-sino naman kaya sa kanila ang mahahalatang pulitika lang ang target?

‘Yun bang === sasakay lang sa kabayo na magdadala sa kanila sa reelection sa anomang posisyon sa 2013 at 2016.

Alalahaning may hanggang tatlong taon lang na termino sa mga senador, yung iba may anim, at yung iba ay maaaring kumandidato na Pangulo at Bise Pangulo sa 2016 gamit ang desisyon nito sa kasong impeachment.

‘Yung iba, kung hindi sila pupuwede sa itaas ay sa ibaba sila tatakbo, dala ang popular na desisyon…sa ngayon  lang ha!

KAKAPIT SA PARTIDO

May isang sangkap sa desisyon na maganda sigurong bantayan.

Namomosisyon ang mga partido pulitikal dito.

Alalahaning may mga partido ang mga senador-huwes. Mangilan-ngilan lang ang sinasabing independiyente.

Paano kung hindi indibidwal kundi pampartido ang kanilang desisyon?

Higit kasing pinahahalagahan ng mga partido ang nakararami nilang miyembro kaysa mga suwail.

Dapat na alalahaning may mga nananalo sa halalan hindi dahil sa kani-kanilang galing bilang mga indibidwal na kandidato kundi dahil sa kanilang partido.

Ang partido kasi ay may salapi para sa pangangampanya. Karaniwan namang talo ang kahit magaling na kandidato kung wala man lang siyang pamasahe at pampagawa ng campaign paraphernalia.

Paano nga pala magiging makatarungan ang desisyon ng senador-hukom kung ibabatay niya ang kanyang desisyon sa udyok o dikta ng partido?

Sisingaw at sisingaw pa naman ito makaraan ng botohan sa impeachment court.

UZI-TEXT

SALITA NI PACQUIAO

Good morning, Sir Benny.  Doon po sa sinabi ni Manny Pacquiao na sunugin at patayin ang miyembro ng 3rd sex…! Paano kung kaming  miyembro ang manalangin na mamatay din siya sa laban niya? Maganda kaya sa pandinig nya? Sayang ‘yung pagiging religious niya o baka kunwari lang ‘yung padasal-dasal n’ya. Salamat po. +63908113….

RESPETO SA KAPWA

Kami po na sumusubaybay sa impeachment ay lubhang nagtataka sa mga inaasal nina Sen. Mirriam at Sen. Jinggoy. Kung magsalita sila sa mga testigo ay walang pakundangan. Akala mo sila lang ang may isip.

Sana naman ay irespeto n’yo ang kapwa n’yo. Napanonood namin kayo.

Sa nakita naming kabastusan n’yo, ewan kung sino pa ang boboto sa inyo. Matigas na pag-cover niyo para ‘di lumabas ang katotohanan.

Thanks. +63999676….

PANATAG SHOAL UNAHIN

Ako po si Wilmar from Negros Occidental. Ang masasabi ko lang sa pamahalaan, unahin nila ang problema sa Panatag Shoal kaysa kay Corona dahil inaangkin na ng China ang ating kayamanan. +63907363….

oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply