Balasubas na kompanya malakas sa DOLE

DUMAGSA na naman ang reklamo laban sa mga “Balasubas na Kompanya” na nasa ilalim ng Global Link na pag-aari ng mag-asawang “Mata.”

Sa nakarating na impormasyon sa Lily’s Files, sinasabing mahigit sa 20 ang kompanyang nasa ilalim ng Global Link nina Mr. and Mrs. Mata, at halos lahat ng mga empleyado ay pare-pareho ang reklamo.

Unang-unang inirereklamo ng mga empleyado ang patuloy na pagkaltas sa kanila ng kompanya ng kanilang hulog sa SSS, Pag-ibig at Philhealth. Pangalawang reklamo ang pasahod sa kanila na hindi na umano makatarungan dahil ginagawang installment.

Ayon sa impormasyon, tuwing ika-23 ng kada buwan ang kanilang suweldo at pagdating ng ika-25 ng buwan ay saka lang sila binibigyan  ng tig-P1,000, makalipas ang 3-5 araw ay bibigyan uli sila ng tig-P2,000 hanggang sa makumpleto ang kanilang suweldo pagsapit ng ika-23 ng susunod na buwan.

Aba, Mr. at Mrs. Mata, saan makararating ang ganyang klaseng pasuweldo, paano na ang bayaran sa bahay, ilaw, tubig, pagkain, baon ng mga bata, pamasahe at kung ano-ano pang mga bayarin?

Maawa naman kayo sa mga empleyado nyo, mga tao rin ang mga ‘yan  at may mga obligasyon din sa buhay, maaaring hindi ninyo nararamdaman ang hirap ng buhay dahil  milyonaryo kayo, nakatira sa  mansion, may mga katulong  at nakakotse ng BMW lang naman.

Marami na raw mga empleyado ang nagpunta sa tanggapan ng DOLE, pero wala ring nangyari kung kaya naniniwala ang mga empleyado na may koneksiyon ang Global Link sa nasabing ahensya.

Napipilitan na raw mag-resign ang ilang empleyado na halos 10 taon ng nagtatrabaho dito dahil  ginigipit sila ng kompanya.

Isinisi rin ng mga empleyado sa kanilang employer ang  pagkamatay ng isa nilang kasamahan dahil ‘di man lang nito napakinabangan ang Philhealth at wala rin  daw itong nakuhang SSS benefits, maging ang kasamahan nilang nanganak ay hindi rin daw nakakuha ng maternity benefits mula sa SSS.

Nabawasan ng mga alalahanin ang mga empleyado ng Global Link ng ipahayag daw ng Pangulo na bukas ang SSS, sa SSS Educational Loan kung kaya dali-dali silang pumila sa tanggapan ng nasabing ahensiya  para mag-apply ng loan na pang-enroll ng kanilang mga anak ngunit napahiya lang sila pare-pareho dahil sinabihan daw sila ng mga taga-SSS na ang  kanilang kompanya ay 10 taon nang hindi naghuhulog.

Saan napupunta ang pera ng mga empleyado na inyong kinakaltas para sa kanilang SSS, PAGIBIG, PHILHEALTH at TAX?  Sinasabi ninyong nag-apply kayo  ng condonation program ng SSS, ngunit ilang taon na, bakit hanggang ngayon ay hindi niyo pa rin binabawasan ang inyong mga bayarin dito?

Pakiusap ng mga empleyado ng Global Link na ihinto na ang deduction ng SSS, PAGIBIG AT PHILHEALTH, at direct self-payment na lang daw ang kanilang gagawin at ang problemahin niyo na lang bayaran ay yung nasa condonation program.

Bukas po ang Lily’s Files para  sa inyong mga reklamo, suhestiyon at komento, mag-text lang po sa 09155683000 at  0908723-0036  o kaya ay mag-email lang sa…lily_reyes13@yahoo.com…

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply