Batas vs premature campaigning ikakasa

UMAPELA ang Commission on Elections (Comelec) sa mga mambabatas na magpasa ng batas laban sa premature campaigning.

Ito’y kasunod nang mistulang maagang pangangampanya ng mga pulitiko na ngayon pa lang ay nagpapahaging na ng kanilang pagnanais na tumakbo para sa 2013 elections.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr., makatutulong ang anti-premature campaign law para mapigilan ang pananamantala ng mga mapeperang pulitiko at incumbent officials na maaagang makapangampanya sa tuwing nalalapit ang halalan.

Ngayon pa lang, o halos isang taon pa bago ang halalan, ay kapansin-pansin na marami ng mga pulitiko ang mistulang nagpapahaging ng pagnanais nilang tumakbo sa susunod na halalan, sa pamamagitan ng mga advertisement o mga patalastas hinggil sa kanilang mga programa.

Una naman nang inamin ng poll body na ‘tali’ ang kamay nila sa mga naturang pulitiko na maagang nangangampaniya dahil hindi naman nila masampahan ng kaso ang mga ito.

Paliwanag ng Comelec, hindi pa itinuturing na kandidato ang isang pulitiko hangga’t hindi pa nakakapaghain ng kanilang kandidatura o certificate of candidacy (COC).

Sa resolusyon ng Comelec nakasaad na ang campaign period para sa May 13, 2013 election ay magsisimula pa sa Pebrero 12 (para sa mga tatakbo sa pagka-senador at mga party-lists), at Marso 29 (para sa mga local candidates).

Kaugnay nito, umaasa naman si Brillantes na maipasa na ang Anti-Epal Bill ni Senator Miriam Defensor Santiago.

Sa ilalim ng nasabing panukalang batas, maituturing na labag para sa isang public official na mailagay ang pangalan nito o kanyang larawan sa mga signage na nag-aanunsyo ng isang proyekto ng gobyerno.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply