Biazon pagpapaliwanagin sa meat smuggling

IPATATAWAG ng mga kongresista si Customs Commissioner Ruffy Biazon para ipaliwanag ang umano’y kawalan ng aksyon nito sa mga reklamo kaugnay sa patuloy na pagpupuslit ng karne ng manok at baboy sa bansa.

Ayon kay AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones, nakatakda siyang maghain ng resolusyon para maipatawag at pagpaliwanagin si Biazon sa kaso ng smuggling.

Kinukwestyon ng kongresista kung bakit hindi kumikilos ang tanggapan ni Biazon sa kabila ng paulit-ulit na pangangalampag ng mga maliliit na negosyante.

Aniya, inuupuan lamang umano ni Biazon ang mga ipinadadala nilang reklamo partikular na ang mga listahan ng mga kompanyang pinaghihinalaan nilang sangkot sa smuggling.

Inihayag pa ni Briones na umaabot sa 15 container van na naglalaman ng smuggled na karne ang nakakalusot araw-araw.

Nagbanta rin si Briones na kapag hindi pa rin tumugon si Biazon ay itutuloy ng United Broilers Association ang meat holiday.

Nagpahayag na ng pangamba si AGHAM Party-list Rep. Angelo Palmones sa posibleng idudulot na masamang epekto sa food security ng bansa ang idaraos na meat holiday ng mga magkakarne.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply