Binay tiniyak na ligtas ang mga OFW sa China

TINIYAK ngayong araw ni Vice President Jejomar Binay na ligtas sa anumang pananakit ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa bansang China sa kabila ng nagaganap na tensyon sa pinag-aawayang Scarborough Shoal sa West Philippine Sea o South China Sea.

Sa kanyang kalatas, sinabi ng Presidential Adviser for OFW Concerns na wala siyang natatanggap na ulat mula sa mga OFW o sa mga embahada ng Pilipinas sa China na itinutuon ng mga Tsino ang kanilang galit sa mga Piboy.

“Wala kaming natatanggap na balita ng mga OFW na minaltrato sa China. Naniniwala po ako na hindi magiging dahilan ang Panatag Shoal para mangyari yon,” pahayag pa ni Binay.

Tiwala rin si Binay na magkakaroon ng mapayapa at diploomatikong sagot ang Pilipinas at China sa problema sa pagmamay-ari sa hugis-triangulong kalipunan ng mga buhanging-isla at bato na matatagpuan 220 kilometro mula sa baybayin ng Masinloc, Zambales.

Aniya, kaisa siya ni Pangulong Benigno Aquino III sa panawagan na dalhin sa international law, kabilang na ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) upang tuldukan na ang usapin kung sa pagmamay-ari sa Panatag Shoal.

Naniniwala rin si Binay na karapatan ng Chinese embassy na magpalabas ng travel advisory sa kanilang mga mamamayan sa Pilipinas.

“Dapat tayong maging mahinahon. Natural lamang mag-issue ng statement ang mga embahada at sabihan ang kanilang mga turista na mag-ingat dahil may magaganap na mga rally,” dagdag pa ni Binay.

Aniya, natural lang din na pagsabihan ng Chinese embassy ang kanilang mga kababayan na nagbabalak na magtungo sa bansa na mag-isip-isp muna bago ituloy ang kanilang plano.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply