Binisita Iglesia

SOBRANG tindi ng galit ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona at kailangan niyang lumusob sa headquarters ng Iglesia ni Kristo noong Lunes, isang araw bago humarap sa Senado ang Mahistrado.

Habang sinusulat ko ang column na ito ay hinihintay ko pa ang magiging testimonya ni Corona sa Impeachment Court.

Pero ang gusto kong puntusan dito ay ang pangangailangan ng isang nakaupong pinuno ng bansa na magtungo nang personal sa isang pinuno ng simbahan para umapela rito.

Napakamali sa panlasa ang aksyon na ito, lalo na kung iisiping hindi pa matagal ang mga araw na binatikos ni Noynoy ang Iglesia sa suportang ibinibigay nito kay Corona.

Sa mga nag-iisip na Filipino, ang paglusob sa Central ni Noynoy ay isang indikasyon na malaki ang posibilidad na hindi ma-convict si Corona sa Senado.

Isang puntos kasi rito ay ang suportang kayang ibigay ng Iglesia tuwing eleksyon at may eleksyon na next year 2013.

Dahil sabi ng ilang kaibigan ko sa Iglesia, hindi nagustuhan ng simbahan ang postura ng ilang Senador at Congressmen sa impeachment na re-electionist kaya malamang na hindi sila isama sa listahan ng Iglesia sa 2013.

Masakit ito para sa mga tatakbo dahil malaking bulto ng boto ang mawawala sa kanila. At isa raw ito sa dahilan kaya napalusob si Noynoy sa Central para tumawag ng ceasefire at makipag-ayos sa Iglesia.

Subalit mas malaki pa rito ay ang isyu na malamang mapahiya si Noynoy sa bansa kung ma-acquit si Corona dahil sa impluwensiya ng Iglesia.

Walang harapang pag-amin mula sa Iglesia na may ganitong posisyon ang simbahan at wala tayong makuha na kahit anong sagot tungo sa tanong na ito.

Ang nakikita lang natin dito ay ang insecurity ng Malacañang sa hearing kahit na panay ang ingay nila na siguradong kulong na si Corona.

‘Yan ang noon pa ay sinasabi nating mahirap sa trial by publicity. Dahil pag natalo ka rito, pati kredibilidad mo tangay ng talo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply