Bitaw na Corona

MUKHANG wala yata sa bokabularyo ni Chief Justice Renato Corona ang salitang pagbibitiw o resignation dahil sa kabila ng mga pagbubulgar na ginawa ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ay kapit-tuko pa rin ito sa kanyang pwesto.

Halos lahat na yata ng tao sa buong bansa, maging ang kanyang mga kaalyado sa Senado, ay naniniwalang “GUILTY” siya sa kanyang mga kasalanan sa bayan ngunit kapalmuks pa rin siya dahil dehins nito pansin ang lahat ng ebidensyang nagbabaon sa kumunoy ng kahihiyan.

Kitang-kita rin sa mga pinagsasabi ni Morales sa Impeachment Court na may basehan ang $12 milyon accounts ni Corona dahil credible ang nagsasalita bukod sa credible rin ang pinanggalingan ng mga dokumento.

Maging ang lahat ng accounts niya sa iba’t ibang bangko ay nabisto na rin pero tanging si Corona na lamang yata ang dedma sa katotohanang nabanggit.

Mali ang diskarte ng depensa sa pagpapaupo kay Morales dahil sa halip na makabuti ito ay lalong nabaon ang kanilang kliyente sa kahihiyan.

Marami pang nabulgar na katotohanan sa testimonya ni Morales buhat sa mga dokumentong galing sa AMLA kaya’t tapos na ang paghuhusga ng taumbayan dahil malinaw na malinaw na siya ay nagkasala sa mamamayan.

###

Nagkaroon ng katapat si defense lead counsel Atty. Serafin Cuevas sa katauhan ni Morales.

Halatang match na match ang utak ng dalawa at kitang-kita rin na hindi nagpasindak si Morales sa karakter ni Cuevas.

Tapat-tapat lang ang buhay kaya’t kung noon ay si Cuevas ang idol at hinahangaan ng madla ngayon ay iba na at iyan ay si Morales na ipinakitang siya ang tagapagtanggol ng katotohanan at ng bayan.

###

Binabati natin ang isa nating kaibigan, kumare at kasama sa hanapbuhay na si Ms. Nina Taduran na magtatapos ngayon ng kanyang masteral in communication sa PUP.

Si Nina na ka tandem ni Raffy Tulfo sa radio program nitong Wanted ay nahalal ding presidente ng open university program ng PUP at ang kanyang bise presidente ay si Giselle Lea Ylagan ng TV5.

Umabot sa 350 ang magsisipagtapos ng doctorate at masteral sa PUP ngayong taong ito. Sa naturang graduation ay magiging panauhin nila si Sen. Coco Pimentel, na gagawaran naman ng docto-rate of humanities honoris causa ni PUP President Emmanuel de Guzman, na alam kong kapatid ng professor kong si Ingo sa unibersidad ng masa.

Sa graduates ng PUP, congratulations at Mabuhay po kayong lahat!

###

Sa mga nagnanais ng pagkalinga ng pitak na ito, maaari kayong mag-email sa barangayanni_isko-@yahoo.com o mag-text sa 09336363310.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply