Biyuda ninakawan ng 3 Las Piñas police

KASONG pagnanakaw ang isinampa ng pulisya kanina laban sa tatlong kagawad ng Las Piñas police na inakusahang tumangay sa malaking halaga ng salapi at cellphone sa loob ng bahay na kanilang sinalakay nitong Sabado ng gabi sa Pasay city.

Ibinatay ni PO3 Rodolfo Suquina, Jr., imbestigador ng Pasay Police Investigation Division ang paghahain ng kaso sa Pasay City Prosecutors Office laban kina PO1 Leonardo Angio at dalawa pang kasamahang pulis na hindi pa nakikilala sa reklamo ng 56-anyos na biyuda na naninirahan sa  pinasok nilang bahay sa Block 4, Lot 8, Saint Rita St. Barangay Maricaban alas-11:30 ng gabi nitong Sabado.

Sa salaysay ng biyudang si Maria Rebalde, nasa loob siya ng kanyang inuupahang silid nang makarinig ng kaguluhan sa labas sanhi ng pagsalakay ng pulisya sa hinihinalang lungga ng drug pushers sa kanilang lugar.

Sa takot na madamay, ikinandado ni Rebalde ang kanyang inuupahang silid at nang papalabas na siya ng bahay ay nasalubong pa niya si PO1 Angio na umano’y dating Pulis-Pasay, kasama ang dalawa pang nakasibilyang pulis na kapwa may hawak na baril na pumasok at  umakyat sa kabahayan.

Sinabi ni Rebalde na pinuntahan din siya ng kanyang anak na si Maricel, 29, nakatira sa 837-B I. Santos St. Malibay nang mabalitaan ang kaguluhan sa kanilang lugar at nakita nito ang pagwasak nina PO1 Angio sa kandado nang inuupahang silid ng biktima.

Matapos ang ginawang pagsalakay, natuklasan ni Rebalde na nawawala na ang kanyang P25,000 cash at P17,000 na halaga ng cellphone na ipinadala sa kanya ng anak na nagtatrabaho sa Japan.

Sa impormasyong ng pulisya, napag-alaman na nagkaroon na rin ng katulad na kaso si Angio noong nakatalaga pa sa Pasay City kaya nalipat siya sa Las Piñas City.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply