Bumaling tayo sa iba pang mahahalagang bagay

TILA nalululong tayo sa pagdinig sa kasong impeachment ni Chief Justice Renato Corona.

At dahil nalululong tayo rito, para na rin nating isinasantabi ang ibang napakalalaking problema ng bansa na higit sana nating bigyan ng pansin.

NADIDISKARIL SA IMPEACHMENT

Ewan natin kung saan patutungo ang bahaging ukol sa dollar account sa kasong impeachment.

Lumalabas naman kasing ayaw ng maraming senator-judge na isama ito sa kaso at ikinakatwirang para na lang sa susunod na impeachment.

Sabi nga ni Inday Miriam, walang kapangyarihan  maging si Ombudsman Conchita Morales na disiplinahin ang mga impeachable officer katulad ni Corona at maging ang mga mambabatas sa Kongreso.

Eh saan nga tayo patutungo sa ganitong kalagayan.

Pagkatapos, eh, nagpapatuloy pa tayo sa pagdinig sa trial na ito!

GAGAMITIN NG PILATO, HERODES

Pero may magandang pakinggan sa mga sinasabi ng mga senador.

May palatandaan umano na pupuwedeng abusuhin ng mga Pilato at Herodes ang paggamit ng Ombudsman at Anti-Money Laundering Council.

Maaaring maganap umano ang pang-aabuso ngayon o sa mga susunod na panahon.

Sa ibang salita, mga Bro,  maaaring gamitin sa paninira sa iba ang Ombudsman at AMLC ng kahit sinong  makapangyarihan lalo na sa pamahalaan.

At nakatatakot nga ito.

Ang punto sa huli, hinahayaan na lang na magpatuloy ang pagdinig para sa posibleng pag-amyenda sa batas sa Ombudsman at AMLC upang hindi magamit ang mga ito sa paninira sa buhay-buhay ng mamamayan.

Sa ibang salita, marumi ang pulitika sa Pilipinas at kung sirain ka ay ganun na lamang.

Kayo, mga Bro, ano ang masasabi ninyo sa mga bagay na ito?

PANATAG SHOAL

Kabilang sa mga binabanggit nating mahalaga, kundi man mas mahalaga sa kasong impeachment, ang nagaganap kaugnay ng kontrobersya sa Panatag Shoal.

Dahil sa pakikipag-agawan natin sa Tsina at iba pang bansa sa bahaging ito ng karagatan sa West Philippine Sea, ang dami nang nagaganap na kung hindi natin mahawakan o makontrol ay makasasama sa ating bansa.

Una, tila nasisira na ang programa nating turismo sa pagkawala ng mga Tsino bilang ating mga turista.

Ikalawa, mayroon na tayong pang-eksport na produkto na hindi na pinapapasok sa Tsina.

May pangamba na ring baka maapektuhan ang iba pa nating mga export gaya ng electronics at iba pa.

Ikatlo, may fishing ban nang pinaiiral ang Tsina sa Panatag Shoal.

Hindi sapat na sabihin ng mga awtoridad na maganda ito para magkaroon ang mga isda ng panahon na mangitlog at magparami.

BAHAGI NG $26T KAYAMANAN

Isa pang napakahalaga na usapin sa Panatag Shoal ang pagkakaroon sa ilalim nito at iba pang mga isla sa lugar ng napakalaking kayamanan sa anyo ng langis.

May 17 bilyong bariles ng langis sa ilalim ng Panatag Shoal, kasama na ang Spratlys.

Kasama na rin dito, mga Bro, ang natural gas gaya ng nasa Malampaya, Palawan na pinaniniwalaang karugtong ng nasa Panatag Shoal at Spratlys.

Bahagi ito ng tinatayang 22 bilyong bariles ng langis na matatagpuan sa mga karagatan ng Pinas mula sa Panatag hanggang sa Mindanao.

At ang 22 bilyong bariles ay nagkakahalaga ng nasa $22 trilyon.

Trilyong dolyar at hindi trilyong piso, mga Bro, ang pinag-uusapan natin dito.

Napakahalaga nga ang usaping ito dahil sa fishing ban ng Tsina.

Paano kung kasama na sa fishing ban ang ban sa pagkuha ng langis dito, huh?

WALANG MAGHIHIRAP

Kung mamimina lang natin ang kayamanang ito at hindi hahawakan ng mga ganid sa pamahalaan at mga dayuhan, nakatitiyak tayong walang maghihirap na Pinoy.

Hindi natin pag-uusapan ang mahigit kalahati ng 95 milyong Pinoy na anemic dahil sa kakulangan ng pagkain.

Mawawala rin ang mga nakikita nating malnourished na bata na araw-araw na namamatay sa gutom at sakit. Mawawala rin ang mga pulubi sa ating mga lansangan.

Magkakaroon ng magandang edukasyon ang lahat, bata at matanda, at  magiging katuwang ang lahat ng ito ng pamahalaan para sa pambansang pag-unlad.

Magkakaroon din ng puhunan ang bawat pamilya na pupuwede nilang pagyamanin upang hindi na sila magiging pasanin pa ng pamahalaan.

ANO-ANO NA ANG ATING GINAGAWA?

Nasaan ngayon ang ating mga atensyon, mga Bro?

Mas gusto ba nating matali sa kasong impeachment o mas gusto nating humarap sa mga problema at katotohanang makasasama o makabubuti ng nakararami sa atin ngayon at bukas?

Ang totoo, namomroblema ang ating pamahalaan sa pagharap sa kontrobersiya sa
Panatag Shoal.

Nasaan ang paninindigan sa usaping ito?

SHARING SYSTEM

May nagmumungkahi na huwag nang pag-awayan ang mga islang nabanggit kundi pagtulungan na lang na alagaan, pagyamanin at gawing kapaki-pakinabang para sa lahat.

Hindi lang sa mahal kong Pinas kundi rin sa iba.

Sa giyera kasi, mga Bro, walang mananalo at ang tiyak, lahat ay talunan.

Sa mungkahing ito, ano ang masasabi ninyo.

oOo

Anomang reklamo o puna ay itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply